Default Thumbnail

Paghihirap ng solo parents maiibsan

October 24, 2022 Erwin Tulfo 464 views

TulfoKUNG BAKIT dumarami ang mga single parents na nabibilang sa mahihirap sa Pilipinas.

May 12.6 milyon o 49 porsyento ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay “poor” o naghihirap, batay sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey.

Ibig sabihin lang na 51 pamilyang Pinoy ang nagsasabing hindi sila naghihirap.

Naniniwala naman ako na mas gaganda pa ang mga numero sa pagsisikap ng Marcos administration na makamtan natin ang upper-middle-class stature by 2028.

Ngayon, ang karaniwan na kaso ng single or solo parenthood ay yung isang ina na nangangalaga sa isa o higit pang anak ngunit hindi na sinusuportahan ng ama nila na dating-jowa o hiwalay na asawa ng babae.

Kabilang na ryan ang mga nanggaling sa teen pregnancies, one-night stands, extra-marital affairs o pangangalunya, failed marriages at broken families.

Ang mapait na katotohanan na pagdami ng solo parents dahil sa mababang moralidad at family values ang nagtulak sa 18th Congress na ipasa ang Republic Act 11861, ang tinaguriang “Expanded Solo Parent Welfare Act of 2000.

Pero dito sa expanded solo parent law, maging ang asawa ng OFW na tatagal ang trabaho sa abroad ng one year o higit pa, ay considered solo parent na rin. Pati guardian tulad ng tiyuhin, tiyahin, lolo, lola ay pwede mag apply ng solo parent ID.

Bilang Secretary of the Department of Social Welfare and Development (DSWD), aking pinirmahan noong nakaraang linggo ang implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas.

Layon ng Solo Parants Law na dagdagan ng benepisyo at maibsan ang kahirapan ng single parents.

Ang solo parents na kumikita ng minimum wage or lower ay tatanggap ng monthly cash subsidy na P1000 mula sa local government units (LGU), sa kondisyong hindi pa sila tumatanggap ng ibang cash assistance mula sa gobyerno.

Ang solo parents na kumikita na di hihigit sa P250,000 per year ay entitled sa 10 percent discount at exemption sa value-added tax (VAT) sa gatas ng bata, pagkain, diapers, medicines, vaccines, at iba pang medical supplements mula pagkapanganak ng bata at hanggang ito ay maging anim na taon.

Bibigyan din ng priyoridad ang solo parents sa paglilista ng mga bagong benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung nag-aaral na ang bata.

Mabibigyan din sila ng priyoridad sa low-cost housing projects ng National Housing Authority; automatic coverage under PhilHealth’s National Health Insurance program; at scholarships and other educational programs ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Makakatulong sa implementasyon ng Solo Parents law ang pinirmahan kong memorandum of agreement with the Public Attorney’s Office (PAO) sa ilalim ni PAO chief Atty. Persida Acosta para sa paghabol sa mga “deadbeat dads,” o mga ama ng hindi nagsusuporta sa kanilang mga anak.

Ang mga reklamo ng mga solo parent ay isasangguni sa PAO para sa libreng konsultasyon at posibleng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga ama tumalikod sa kanilang responsibilidad.

Kabilang sa mga hahabulin ng DSWD at PAO ang sinumang ama o ina na nag-abandona sa kanilang anak sa pangangalaga ng lolo, lola o kamag-anak at hindi nagbibigay ng suportang pinansyal.

Kasama riyan ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) hindi nagsusuporta sa anak kahit na sila ay may kayod sa jobs abroad.

Karaniwan, ang OFWs na ganyan ay may iba nang kinakasama o nalulong sa sugal o droga.

May mga kaso ring pinutol na ng OFW ang pagpapadala dahil nabulgar na ang babae ay may kalaguyo at hindi ang mga anak ang nakikinabang sa nireremit na kuwarta.

Iyan ang mga kaso na kakaharapin namin sa pagpapatupad ng Expanded Solo Parents law na ang diwa ay ang layong mapabuti ang kapakanan ng mga bata.

AUTHOR PROFILE