Default Thumbnail

Aksyon sa Sektor ng Kalusugan: Heart at Kidney Centers sa Bawat Rehiyon

October 24, 2022 People's Tonight 745 views

RobinWALA marahil ni isa man sa atin ang hindi pa tinamaan ng dagok ng karamdaman— personal mang karanasan o ng ating kamag-anak, kaibigan o kakilala. Dagdag pa sa pahirap sa isyung pangkalusugan ang mahal ng gastusing medikal, mababang kalidad ng healthcare sa bansa, mahirap na access sa mga gamot, pasilidad at espesyalistang doktor lalo na sa malalayong komunidad.

Bilang halimbawa: ang sakit sa bato o renal diseases ang isa sa sampung sanhi ng pagkamatay sa bansa. Mahigit 7,000 kaso ng kidney failure ang naitatala kada taon; 120 sa bawat 1 milyong Pilipino ang malamang na magkaroon ng kidney failure; bawat taon, humigit-kumulang 10,000 katao ang kailangang magpalit ng kanilang kidney; at ang mas nakalulungkot —isang Pilipino ang namamatay kada oras dahil sa kidney failure.

Lubos din ang pinansyal na pasanin ng mga maysakit sa bato. Para magkaroon ng sapat na dialysis ay aabot ang gastusin ng ng P25,000 hanggang P46,000 kada buwan o P300,000 hanggang P552,000 kada taon. Ayon nga sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), karamihan sa mga Pilipino ay hindi kayang bayaran ang napakalaking halagang ito. Sa kanilang pag-aaral, sinabi ng NKTI na kalahati ng mga pasyente na nagsimula ng dialysis ay namamatay sa kalaunan, marahil dahil hindi maipagpatuloy ang sapat na kailangang dialysis.

Ang cardiovascular diseases naman tulad ng sakit sa puso ang numero unong sanhi ng kamatayan sa buong mundo. Sa Pilipinas pa lamang, ang insidente ng cardiovascular disease ay nanatiling mataas sa loob ng maraming taon – 47.5% bawat 100,000 populasyon ang namamatay dahil sa atake sa puso habang 25% ang nasasawi dahil sa hypertension at iba pang uri ng cardiovascular diseases. Panglima rin ang cardiovascular disease sa listahan ng mga nakamamatay na sakit na nakakaapekto sa mga batang Pilipino.

Gayong napakalaki ng demand ng mga karamdamang nabanggit ano man ang estado sa buhay, mas malaki ang pasakit na dulot nito sa mga mahihirap na walang access sa gamot, pasilidad at serbisyong medical partikular na sa renal at cardiovascular diseases.

Bukod sa napakamahal na gamutan, dagdag ding pahirap sa mga pasyente mula sa kanayunan ang karagdagang gastos sa pasahe, oras, at akomodasyon para lamang makarating sa mga specialized medical hospitals tulad ng National Kidney and Transplant Institute at Philippine Heart Center sa Kamaynilaan.

Ito po ang ating nais tugunan sa aking inihaing panukalang batas na Senate Bill 1361 o pagtatayo ng Regional Heart Centers; at S.B. No. 1362 para sa Regional Kidney and Transplant Institute (RKTI) sa bawat administratibong rehiyon sa bansa.

Ang ating pangunahing adhikain: pantay na pag-access at pribilehiyo na makakuha ng espesyal at de-kalidad na pangangalaga sa bato at puso ang mas maraming Pilipino.

Ang mga itatayong Regional Kidney and Transplant Institutesat Regional Heart Centers ay maaring itaguyod sa mga kasalukuyang DOH Regional Hospitals and Medical Centers. Ang RKTIs at RHCs ay magkakaroon ng mahahalagang kagamitan, medikal na suplay at serbisyo ng mga espesyalista at mga propesyonal sa subsidized o mababang halaga.

Nais nating magkaroon ng parehong oportunidad, kalidad, at abot-kayang medical services ang mga pasyente sa mga probinsya at kanayunan sa mga ospital na may espesyalidad sa paggamot ng kidney diseases at anumang uri ng sakit sa puso.

Kinikilala natin na bawat Pilipino, mahirap man o mayaman, anuman ang edad, kasarian o relihiyon ay may karapatan sa kalusugan.

Nagtitiwala po ako na sa ating masugid na aksyon ng Senado, matutugunan natin ang karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng pantay na proteksyon at serbisyong pangkalusugan na abot-kaya, de-kalidad at accessible saan mang bahagi ng bansa. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE