Default Thumbnail

P3.9M smuggled sigarilyo nasamsam

June 3, 2023 Zaida I. Delos Reyes 240 views

MAHIGIT sa P3.9 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang checkpoint sa national highway ng Purok Talisay 2, Barangay Lower Landing, Dumingag, Zamboanga del Sur.

Sa ulat, sinabi ni P/Major Shellamie Chang, spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 9, ang insidente ay naganap dakong 5:30 ng umaga (Sabado).

Naglatag ng checkpoint ang mga tauhan ng Dumingag Municipal Police Station (MPS) at 1st Provincial Mobile nang maharang ang isang Mitsubishi Canter sa nasabing lugar.

Nang inspeksiyunin ang behikulo ay dito na bumulaga sa mga awtoridad ang bulto ng mga smuggled na sigarilyo kabilang ang kulay pulang master cases ng President na sigarilyo.

Ang sasakyan ay minamaneho ng isang 34-anyos na driver, residente ng Bgy. Talon-Talon, Zamboanga City at pahinante, 34, residente ng Bgy. Sta Catalina, Zamboanga City.

Base sa imbestigasyon, ang sasakyan ay galing Zamboanga City at pagsapit sa lugar ay naharang ng mga awtoridad ang mga kontrabandong tinabunan pa sa likuran ng sasakyan.

Nabigo naman ang dalawang suspek na magpakita ng mga dokumento na legal ang pagbibiyahe ng mga ito ng bulto ng mga sigarilyo kaya kinumpiska ito ng mga awtoridad.

Kabilang sa mga nasamsam ay 131 master cases ng President cigarettes at 177 reams ng kulay pulang President cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P3,960,000 milyon.

Inimpound na ng mga awtoridad ang sasakyan at kontrabando habang kasalukuyan nang nakapiit sa detention cell ng pulisya ang mga nasakoteng suspek.