Suspek Ang isa sa mga suspek na nahulihan ng iligal na baril. Larawang kuha ng Batangas PNP PIO

3 nasakote sa iligal na baril sa Batangas

June 3, 2023 Jojo C. Magsombol 133 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Arestado ang tatlong lalake sa posisyon ng iligal na mga baril sa magkaka-ibang police operation na ginanap sa Batangas ayon kay provincial police office PIO (Public Information Office) P/Capt. Pauline P. Fernando nitong Huwebes, Hunyo 1.

Sa ulat ni Batangas police director P/Col. Rainerio M. De Chavez kay PRO Calabarzon director P/Brig. Gen Carlito M. Gaces, tatlong katao ang naaresto ng mga awtoridad sa pagmamay-ari ng hindi lisensiyadong mga baril at mga bala.

Unang naaresto ang isang 40-anyos na residente ng Balayan, Batangas sa isang “Oplan Sita” na ikinasa ng Tuy Municipal Police Station (MPS) May 25, 2023, nang patigilin ng mga pulis ang motor sa police checkpoint at umano’y nag-tangka itong tumakas ngunit napigilan ng mga pulis.

Dito na napansin ng mga pulis ang baril na Magnum 22 Revolver na nakasuksok sa tagiliran ng suspek at agad na inaresto nang wala itong maipakitang papel o dokumento ng kanyang armas.

Sumunod naman na naaresto ang isang isang barbeque vendor at residente ng Lipa City, Batangas kung saan ang kapulisan ng Lipa ay naghain ng search warrant sa bahay ng suspek at nakuha ang 51 piraso ng 7.62 mm na bala, isang piraso ng Bruni MOD 92 cal, 8mm pistol na walang serial number, isang cal. 8mm magazine, isang cal. 9mm pistol na walang serial number, 48 bala ng cal. 9mm ammo, dalawang magazine para sa cal. 9mm, sling bag at isang blankong bala para sa cal. 38.

Samantala, huli rin ang suspek na lalake sa pag-iingat ng isang Colt cal. 45, isang magazine at apat na piraso ng mga bala para sa nasabing baril nang maghain ng search warrant, May 30, 2023, ang mga kapulisan ng bayan ng Lian.

Umabot naman sa 93 na baril ang nai-turn over sa mga awtoridad sa ilalim ng programang BALIK-Armas ng Batangas PPO (Police Provincial Office), ayon sa report.

“Patuloy po nating pananatilihing ligtas ang ating pamayanan sa pamamagitan ng paghuli sa mga nagmamay-ari ng baril na walang kaukulang papeles. Pinapaalalahanan po natin ang publiko na siguraduhing hindi paso ang lisensya at papeles ng kanilang mga armas para hindi sila magkaproblema sa batas,” pahayag ni De Chavez.

AUTHOR PROFILE

Provincial

SHOW ALL

Calendar