Frozen

P100M frozen food nakumpiska sa Cavite

June 15, 2024 Cory Martinez 67 views

UMAABOT sa P100 milyon na halaga ng mga frozen food ang nakumpiska sa pinagsanib na operasyon ng Food Safety Regulatory Agencies ng Department of Agriculture at Bureau of Customs sa isang bodega ng pribadong kumpanya sa Cavite, kamakailan.

Sa post-report na isinumite ng DA Inspectorate and Enforcement office kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakumpiska ang mga naturang kontrabando sa nirerentahang lupa ng Vigour Global Logistic Corp. sa Kawit, Cavite.

Nadiskubre ng mga miyembro ng composite team na ang bodegang inuupahan ng naturang kumpanya ay ginawang cold storage facility upang itago ang malaking volume ng mga frozen, regulated meat products, at iba pang commodity.

Ayon pa sa report, napag-alaman na itinago ang sampung cold storage facility sa likod ng isang pekeng pader at tinakpan ng isang malaking van.

Matapos na gibain ng pader, tumambad sa composite team ang mga cold storage rooms na punung-puno ng sari-saring frozen food tulad ng meatballs shabu-shabu items, beef at pork, chicken wings, siomai, assorted fish, pork belly, boneless pork, beef at Peking ducks.

“This should serve as a stern warning to unscrupulous traders that we will not stop in going after these illicit activities. We want to ensure that our farmers are not disadvantaged by these unfair and often illegal trade practices,” ani Tiu Laurel.

Umabot sa 98,000 na kilo ang mga naturang kontrabando na may kasalukuyang market value ng P100 milyon.

Matapos na inspeksyunin ng Bureau of Animal Industry at ng National Meat Inspection Service ang mga kontrabando, nadiskubre na hindi maaaring kainin ng tao ang ilang frozen food, na isang paglabag sa Republic Act No. 10611, o Food Safety Act of 2013.

AUTHOR PROFILE