Bong

Bong Go: Kondisyon sa trabaho ng HCWs, dapat ayusin

June 18, 2024 People's Tonight 110 views

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang matinding adbokasiya na mapahusay ang kondisyon sa pagtatrabaho ng mga Pilipinong healthcare workers sa bansa.

Nakatuon si Go sa pagtaas ng suweldo ng HCWs, pagpapalabas ng kanilang health emergency allowance at pagpapahusay ng imprastraktura o kagamitan ng mga ospital upang maayos nilang magampanan ang kanilang mandato na pangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino.

Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga estudyante sa Ibajay, Aklan, binanggit ni Go ang ilang kritikal na isyu na kinakaharap ng sektor ng kalusugan sa bansa.

Tinukoy ni Go ang nakaaalarmang kakapusan ng resources na kinumpirma naman ng Department of Health (DOH). “According to DOH, talagang kulang. This is sad and alarming, nakalulungkot po.”

Idiniin ng senador na importanteng taasan ang sweldo at take-home pay ng HCWs.

Dapat din aniyang pabilisin ang hindi pa nababayarang Health Emergency Allowance (HEA) ng health worker sa pagsasabing ito ay “overdue” na.

Sa serye ng pampublikong pagdinig ng Senate committee on health na pinamumunuan ni Go, matatandaang umapela siya sa mga kinauukulang ahensya na pabilisin ang pag-release ng matagal nang nakabinbing HEA ng HCWs para sa kanilang kritikal na serbisyo noong pandemya.

Isa si Go sa mga nag-akda at nag-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng benepisyo at allowances sa HCWs sa panahon ng public health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.

“Noong panahon ng pandemya, sila ang bayani. Ibigay sa kanila ang nararapat. Ibigay na kaagad dahjil pinagpawisan nila ito,” sabi ni Go.

Nangako si Go na patuloy niyang kakalampagin ang mga isyung ito hanggang sa ganap na malutas sa 2025, gaya ng ipinangako ni DBM Secretary Amenah Pangandaman.

Binigyang-diin din ni Go na mahalagang mapabuti ang pisikal na kondisyon ng mga ospital ng gobyerno. Aniya, ang pagtiyak na ang mga pasilidad ng kalusugan at kumpleto sa kagamitan o kompotableng kapaligiran ay nagtutulak sa HCWs na epektibong gampanan ang kanilang trabaho.

“Dapat, kumpleto ‘yung mga gusali, imprastraktura, equipment, facilities para meron po silang maayos na kinakailangan para komportable pong makapaglilingkod ang ating health workers,” anang senador.

Sa huli, binanggit din ni Go na suportado niya ang pagpasa ng Republic Act 11509, o ang “Doktor Para sa Bayan Act”.

Layon nitong magtatag ng Medical Scholarship and Return Service Program para sa mga kwalipikadong mag-aaral na magpatuloy ng medisina sa mga State Universities and Colleges o sa Private Higher Education Institutions sa mga rehiyon kung saan walang SUCs na nag-aalok ng kursong medikal. Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala noong 2021.

AUTHOR PROFILE