Posas

2 ‘akyat bahay’ na-wow mali

June 18, 2024 Jonjon Reyes 108 views

WOW mali ang nabitag ng dalawang tinaguriang “Akyat Bahay Gang” nang pasukin ang isang bahay na sana’y bibiktimahin ng mga ito ngunit nabuking ng pulis kyusi na may-ari pala ng bahay, Lunes ng umaga sa may Sampaloc, Manila.

Swak sa kulungan ang dalawang suspek na sina alyas “Tatit” na 25-anyos at miyembro ng Bahala na Gang at alyas “Bryan” na 18-anyos, pawang mga nakatira sa Sampaloc, matapos mamataan sa loob mismo ng bahay ng parak.

Ayon sa salasay ng parak na nakatalaga sa Quezon City Police District-DPHAS, bandang alas-6 ng umaga nang matimbog ang dalawa sa loob ng bahay nito sa naturang lugar.

Nabatid sa naging imbestigasyon ni Police Corporal Rogelio Fernandez, may hawak ng kaso, na nakarinig ng kaluskos ang pulis na may-ari ng bahay at nang usisain nito, dito na nakitang hinahalughog ang gamit niya ng mga suspek.

Hindi na nagawang makapuslit pa ng mga suspek habang tangay-tangay pa nila ang isang pares ng Adidas na black na sapatos, isang pares na kulay orange at gray na sprint shoes, at isang basketball shorts.

Narekober din sa mga kawatan ang isang martilyo at gate padlock na gamit nila sa pagnanakaw.

AUTHOR PROFILE