Revilla

Pamilya Revilla, nangako ng tulong pang-kalusugan sa mga taga-Marikina

June 18, 2024 People's Tonight 205 views

MAINIT ang naging pagtanggap ng mga opisyal at mamamayan ng Marikina City kay Congresswoman Lani Mercado-Revilla nang pangunahan at saksihan ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Martes ng tanghali.

Si Cong. Lani Revilla ang kumatawan sa kanyang mister na si Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa pamamahagi ng P2,000 cash sa may dalawang libong mamamayan ng lungsod na benepisyaryo ng AICS ng DSWD, kasama sina Marikina Mayor Marcy Teodoro at maybahay na si Congresswoman Maan Teodoro.

Sa kanyang pagsasalita, tiniyak ni Cong. Lani Revilla na ang tanggapan nila ng asawang Senador ay handa ring magbigay ng tulong sa sinumang nangangailangan, lalu na sa usapin ng kalusugan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng guarantee letter sa mga ospital na may kasunduang nilagdaan sa Department of Health (DOH).

Partikular na tinukoy ni Congresswoman Lani Revilla ang mga maralitang pasyente na sumasailalim sa dialysis, chemotheraphy at iba pang uri ng sakit.

Sa isa namang live video message ni Sen. Bong Revilla, sinabi niya na kailanman ay hindi niya makakalimutang magsilbi sa bawa’t mamamayan ng Marikina na aniya ay hindi siya iniwan kailanman sa anumang laban at pagsubok sa buhay na kanyang dinaanan.

Nangako rin si Sen. Revilla sa mag-asawang Teodoro na handa ang kanilang buong pamilya na tulungan at suportahan ang dalawa sa kanilang naisin na mabigyan ng maayos at malusog na pamumuhay ang mga taga-Marikina at mapaunlad pa ng husto ang ekonomiya ng lungsod.

Bago naman tapusin ni Cong. Lani Revilla ang kanyang pagsasalita, binanggit niya ang mga mahahalagang batas na na pangunahing inakda ni Sen. Bong Revilla, sa pakikipagtulungan din niya at ng kanyang dalawang anak na kongresista na sina Bryan at Jolo Revilla.

Kabilang na rito ang Centenarian Act para sa mga senior citizen na mya edad 80, 85, 90, at 95 taong gulang , dagdag na Chalk allowance Act para sa mga guro, ang pangmatagalang bisa ng mga birth certificate, marriage contract at death certificate, ang dagdag na night differential para sa mga pampublikong manggagawa, ang mabilisan at matagal na expiration ng pasaporte at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE