Default Thumbnail

SULAT NG SAKLOLO

June 18, 2024 People's Tonight 216 views

UMAPELA ng patas na imbestigasyon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay sa mga bintang laban sa kanya na pagkakasangkot umano sa Philippine offshore gaming operation (POGO), money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na kinasasangkutan ng Baofu Land Development Inc.

Sa pitong pahinang liham na ipinadala ni Guo kay PAOCC Chairman at Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng kanyang mga abogadong sina Atty. Yvette Gianan at Atty. Lorelie Santos ay ipinahayag nito ang kanyang kahandaaan na makipagtulungan sa imbestigasyon, subalit umapela itong mabigyan ng “presumption of innocence” at hindi agad husgahan base sa mga negatibong isyung ipinupukol sa kanya na pawang walang ebidensya at walang katotohanan aniya.

“Ang pagiging mayor ng isang bayan ay hindi awtomatikong nangangahulugan na ito ay maaaring protector, kasangkot o kasabwat sa lahat ng krimeng nangyayari sa kanyang nasasakupan. Bagamat ang posisyon ng mayor ay may kaakibat na responsibilidad, hindi ito nangangahulugang lahat ng alegasyon ng illegal na gawain sa bayan ay may basbas at kaalaman ni Mayor,” nakasaad sa liham ni Guo.

“Ang posisyon ng mayor ay hindi dapat gamitin bilang batayan upang isisi at idawit sa mga krimeng hindi nila ginawa o inutos, Bawat tao ay may karapatang ituring na inosente hanggang sa mapatunayang nagkasala sa pamamagitan ng tamang proseso ng batas,” paliwanag pa nito.

Aniya, wala itong intensyon na gumawa ng anumang ilegal na gawain at lahat ng aksyon niya ay ginawa alinsunod sa proseso, kasama na rito ang maagang pag-divest sa Baofu Land Development Inc. nang mahalal siya bilang alkalde.

Aniya pa, kung mayroon mang ilegal na nagawa ang Baofu ay hindi na siya parte ng kumpanya.

Ipinaliwanag ni Guo kay Bersamin na walang katotohanan ang paratang na ang layunin ng pagkakatatag ng Baofu Land Development Inc. ay para sa money laundering at upang magpatayo ng isang POGO hub sa Bamban.

Sinabi ni Guo na ang Baofu Land Development Inc. ay itinatag alinsunod sa batas ng Pilipinas at ito ay lehitimong nakarehistro ayon sa panuntunan ng Securities and Exchange Commission.

Wala ring basehan aniya ang paratang na Conspiracy Theory. Iginiit ni Guo na

hindi totoo ang naratibong siya ay tumakbo bilang mayor ng Bamban upang protektahan ang Baofu Land Development Inc.

“Lubusan at legal kong pinutol ang aking ugnayan sa kumpanya bago pa ako mahalal sa pagiging Mayor,” pahayag ni Guo.

Sa isyu ng pagkakasangkot din niya sa human trafficking, kidnapping at money laundering, ipinunto ni Guo na walang anumang ebidensya laban sa kanya sa bintang na ito.

Nagpahayag si Guo ng kanyang tiwala sa paglilinis ng kanyang pangalan sa pamamagitan ng isang maingat at walang kinikilingang imbestigasyon.

Ipinangako ni Guo kay Bersamin ang kanyang buong kooperasyon sa anumang proseso ng imbestigasyon at pagbibigay ng kinakailangang dokumento o pahayag upang linisin ang kanyang pangalan.

AUTHOR PROFILE