Dizon Pinuri ni P/Brig. Gen. Andre P. Dizon (pangatlo mula sa kanan) si P/Lt. Col. Salvador Tangdol at kanyang mga tauhan nito dahil sa patuloy na operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot at ang pinaiiral na ‘Safety, Appreciated, Felt, Extraordinary’ (SAFE) sa direktiba ni NCRPO Chief Gen. Jonnel Estomo. Kuha ni Jon-jon Reyes

P.5M shabu narekober sa 2 suspek sa Malate

September 27, 2022 Jonjon Reyes 337 views

NATIMBOG ang dalawang hinihinalang “tulak” ng ilegal na droga dahil na rin sa reklamong walang humpay na kalakaran ng droga sa isang lugar sa Malate sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD), Lungsod ng Maynila, Lunes ng gabi.

Ang dalawang suspek ay diumao’y mga miyembro ng “Sputnik Gang”.

Ayon sa ulat ni Police Lt. Col. Salvador Tangdol, commander ng MPD Malate Police Station 9, bandang 11:40 p.m. nang ilatag ng kanyang mga tauhan ang isang buy-bust sa kahabaan ng Mother Ignacia Street malapit sa Pres. Quirino Avenue sa Malate.

Pinangunahan naman ni P/Lt. Josephus Melpaz, hepe ng SDEU ang paghuli sa mga suspek.

Nang magpositibo ang operasyon sa ginawang transaksyon sa pagitan ng isang undercover na pulis at mga suspek sa halagang P7,000 halaga ng shabu, dito na agad kumilos ang iba pang operatiba para masakote ang dalawang suspek.

Narekober ang limang plastic sachets na shabu na nasa 75 gramo at may street value na P510,000.

Dahil dito, pawang haharapin ng mga suspek ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 Article ll o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, nagpahayag naman si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga kapulisan na labanan at hulihin ang mga malalaking “drug lords” para palakasin ang kampanya kontra ipinagbabawal na droga.

“Focus on drug lords, not ‘small fry,’” ani ng Pangulo.

Hindi naman nagkukulang sa paalala si MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon sa kanyang mga kapulisan sa Maynila na maging tapat sa kanilang mga tungkulin at huwag maligaw sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot.

AUTHOR PROFILE