Default Thumbnail

Kelot dedo matapos ‘sipain’ ng 2 suspek

September 27, 2022 Melnie Ragasa-limena 198 views

NASAWI ang isang lalaki makaraang sipain ng dalawang suspek na nangursunada sa kanya sa Barangay Kamuning, Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay residente ng Bgy. Obrero sa Quezon City.

Agad namang naaresto ang mga suspek na kapwa residente ng Bgy. Kamuning, sa lungsod.

Sa naitalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Polic District (CIDU-QCPD), bandang 10:45 ng gabi (Set. 25), nang maganap ang insidente sa harapan ng Banco de Oro (BDO) na nasa kanto ng Tomas Morato-Kamuning Branch, at Kamuning Road, Tomas Morato Ave., Bgy. Kamuning.

Ayon sa mga nagrespondeng sina PSMS Eldin Dino at PCpl. Ramon Kristopher Derit, bandang 9:00 ng gabi, nagpapaskil ang biktima at kasama nito ng “NO TRESPASSING” stickers sa kanto ng K-5th at Judge Jimenez Sts., sa nasabing barangay, nang lokohin ng mga suspek na sumigaw ng “Magnanakaw” habang tumatakbo sa direksiyon ng biktima.

Dahil dito tumakbo rin ang dalawa, pero nadulas ang biktima at tumama ang ulo sa semento dahilan upang mawalan ito ng malay.

Agad na humingi ng saklolo ang kasamahan ng biktima sa mga kaanak nito at isinugod sa Delos Santos Medical Center subalit idineklara na itong dead on arrival ng attending physician dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo.

Nang siyasatin ng misis ng biktima sa Barangay (closed-circuit television) CCTV camera footage ang insidente, nakitang sinipa ng mga suspek ang biktima dahilan upang mabuwal ito at bumagsak sa semento.

Inihahanda na ang kasong homicide laban sa mga suspek.