Default Thumbnail

Overnight sex na, door-to-door delivery pa

May 29, 2023 Hector Lawas 235 views

NAHULI ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Pampanga District Office (NBI-PAMDO) ang isang Tsino kaugnay ng mga alegasyon na idinadawit siya sa “door-to-door delivery” ng mga Pilipinang kababaihan sa mga dayuhang kliyente para sa sekswal na serbisyo.

Kinilala ang suspek na si Shen Xianbian na nahuli nuong May 23, 2023 sa Angeles City, Pampanga.

Siya ay kaagad dinala sa tanggapan ng Prosecutor ng Angeles City sa mga paratang ng paglabag sa Republic Act No. 9208, na kilala rin bilang “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012,” na binago ng R.A. 10364.

Nagsimula ang NBI-PAMDO ng operasyon batay sa impormasyong ibinigay ng isang informant na nag-ulat na isang Tsino ang nag-aalok ng mga serbisyong sekswal ng mga kababaihan sa pamamagitan ng Telegram app.

Sa pagsusuri na isinagawa ng NBI-PAMDO ay napatunayan na tutoo ang impormasyon, at nagpatunay nga na inaalok ang mga Pilipinang kababaihan sa mga dayuhang kliyente sa halagang naglalaro mula P10,000.00 hanggang P15,000 para sa overnight sex.

Upang makalap ng ebidensya, nagkunwaring kliyente ang isang ahente ng NBI-PAMDO na marunong magsalita ng Tsino at nakipag-ugnayan sa suspek sa pamamagitan ng Telegram.

Natanggap ng ahente mula sa suspek ang mga larawan ng mga kababaihang inaalok para sa mga serbisyong sekswal.

Idinagdag pa ng suspek na kaya niyang maghatid ng door-to-door ang mga kababaihang ito sa loob ng Angeles City at sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

Pumayag si Xianbian na magdala ng tatlong babae sa isang hotel sa Angeles City.

Noong ika-23 ng Mayo 2023, nagtungo ang mga tauhan ng NBI-PAMDO sa tinukoy na lokasyon kung saan magdadala ang suspek ng tatlong kababaihan.

Matapos ang pagpapalitan ng napagkasunduang bayad, agad na hinuli ng mga tauhan ng NBI si Xianbian at iniligtas ang mga biktima ng trafficking.

Natuklasan sa imbestigasyon na ginagamit ng grupo ang Telegram app upang mag-advertise ng mga litrato ng mga kababaihang available para sa prostitusyon, na nagbibigay-daan sa mga lalaking kliyente na pumili at mag-book ng kanilang napiling babae.

Tanging mga dayuhang kustomer lang ang pinahihintulutang mag-book ng ganitong mga serbisyo.

AUTHOR PROFILE