Default Thumbnail

10 ‘sugarol’ timbog sa Cainta

May 29, 2023 Jojo C. Magsombol 160 views

CAMP MGEN. LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal – Naaresto ang sampung personalidad sa iligal na pagsusugal Sabado ng hapon, Mayo 27, bandang alas 9:10 ng gabi sa likod ng isang cockfighting arena sa Barangay Sto. Domingo Cainta, Rizal.

Sa ulat ni P/Col. Dominic L. Baccay, provincial director kay regional director PRO (Police Regional Office) 4-A Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) P/BGen. Carlito M. Gaces, ang mga naarestong suspek ay batay sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na pagsusugal sa probinsya ng Rizal at anti-crime operations ng kapulisan.

Base sa imbestigasyon, ikinasa ng intelligence section ng Cainta Municipal Police Station (MPS) sa pangunguna ng hepe na si P/Maj. Alfonso P. Saligumba III ang operasyon laban sa mga suspek kasunod ng mga sumbong ng ilang concerned citizens sa umano’y pagsusugal ng mga ito.

Narekober mula sa mga suspek ang mga barahang ginamit at bet money.

Ang mga naaresto ay naka-detine sa Cainta Custodial Facility para sa disposisyon at mahaharap sa kasong paglabag sa PD (Presidential Decree) 1602 o “Illegal Gambling.”

Ayon kay Baccay, ang mga ganitong uri ng operasyon ay isa lamang sa masidhing kampanya ng Rizal PNP (Philippine National Police) upang mas mapabuti ang pamayanan at malayo sa anumang uri ng iligal na gawain ang probinsya.

“Kaisa ng komunidad ang ating kapulisan sa Rizal ay sisiguraduhin na mapapatigil ang mga illegal gambling na siyang nagiging sanhi ng iba pang kriminalidad,” dagdag pa ni Baccay.

AUTHOR PROFILE