jinggoy

Online verification isinusulong ni Estrada kontra ‘identity theft’

November 2, 2022 PS Jun M. Sarmiento 104 views

ANG pagkakaroon ng online death verification system sa bansa ay naaayong paraan upang maagapan at maiwasan ang mga kaso ng “identity theft” ng mga yumao, ayon kay Senator Jinggoy Ejercito Estrada.

“Sa maraming pagkakataon ay napatunayan sa maraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado na nagagamit ang pangalan ng mga yumao na sa mga fraudulent payment claims, dayaan sa halalan at iba’t-ibang uri ng panloloko. Panahon na para solusyunan ang bagay na ito,” sabi ni Estrada.

Nakatakdang maghain si Estrada ng panukalang batas na magtatatag sa Philippine Death Check (PDC) Register, isang centralized electronic database maglalaman ng mortality data na irerehistro sa Local Civil Registrar (LCR) na siya namang pangangasiwaan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa ilalim ng panukalang “Online Death Verification System Act,” kapag nairehistro na ang pagkamatay ng isang indibidwal sa LCR, ang impormasyon ay mabilisang ia-upload sa PDC Register Electronic System.

Titiyakin ng PSA ang seguridad at integridad ng PDC mula sa mga data breaches at iba pang paraan ng pamemeke ng impormasyon.

Ani ni Estrada, matagal ng sinasamantala ng mga kriminal at sindikato ang kawalan ng mabilis na access sa death data upang isagawa ang kanilang mga mapanlinlang na gawain at mga katiwalian.

Isa sa ganitong kaso ang natuklasang multibillion-peso bogus claims na binayaran ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga dialysis treatment centers noong 2019, sabi ng senador.

“Ang mga pondong inilaan para sa mahihirap at totoong nangangailangan ng tulong medikal ay napunta sa mga kamay ng mga may-ari ng pribadong dialysis centers. Itong ‘ghost dialysis’ scheme na may kinalaman sa paghahain ng mga claims sa PhilHealth gamit ang pangalan ng mga yumaong pasyente ay nagpapatunay sa pagsasamantala sa kahinaan sa burukrasya at nagbubunsod para magkaroon ng matibay na mekanismo laban sa mga iligal na gawain,” paliwanag ni Estrada sa paghahain ng kanyang panukalang batas.

Sinabi rin ni Estrada na makakatulong ito sa paglilinis ng listahan ng mga rehistradong botante upang hindi na magamit ng mga kawatan ang pangalan ng mga yumao para manipulahin ang resulta ng halalan.

Para magkaroon ng mahusay at centralized online death verification system, bibigyan ng PSA ng agarang access sa impormasyon ang PhilHealth, Commission on Elections (Comelec), Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund (HDMF) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) upang mapigilan ang identity fraud.

Sa pagproseso ng mga personal na impormasyon, mananaig pa rin ang mga probisyon ng Data Privacy Act of 2012, giit ni Estrada.

May kaukulang multa mula P500,000 hanggang P4 milyon, gayundin ang pagkakakulong mula tatlo hanggang anim na taon ang ipapataw sa sinumang mapapatunayan na sinadya ang paglabag sa pagkuha ng nasabing impormasyon.