Default Thumbnail

Online scamming operation sa Pasay, pinabubusisi na ni Mayor Emi

April 19, 2023 Edd Reyes 261 views

Edd ReyesBISTADO na ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Pasay ang ilegal na operasyon ng mga dayuhang Chinese na sangkot sa online scamming na ang binibiktima ay kanila ring kababayan sa kanilang bansa.

Pero talagang matikas pala ang namamahala sa naturang gusali dahil nang magsagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan ng Bureau of Permit and License Division (BPLD) nitong Miyerkules ng umaga, hindi rin pala sila nakapasok sa gusali na nasa William St. malapit lang sa kanto ng F.B. Harrison St.

Ito’y sa kabila ng pagbibigay na ng mission order ng tanggapan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano sa pamamagitan ni City Administrator Peter Manzano upang magsagawa ng inspeksiyon sa gusali para malaman kung ano ang talagang uri ng pagnenegosyo ang ginagawa ng mga dayuhan.

Sa panayam kay BPLD chief Michelle Pardo, sinabi niya na hindi talaga nakapasok ang kanilang inspection team kaya’t bibigyan nila ng first notice ang tagapamahala ng gusali at kung sa susunod na pagbabalik ay hindi pa rin sila pinapasok, magpapadala sila ng 2nd notice bago ang show cause order para ipaliwanag kung bakit tumatanggi silang magpasailalim sa inspeksiyon.

Kung hindi pa rin aniya tutugon sa show cause order ang tagapamahala, doon na nila tuluyang ipapasara ang anumang uri ng pagnenegosyo sa loob ng gusali at babawiin ang mga ipinagkaloob na lisensiya at business permit.

Nabisto ang ilegal na online scamming sa loob ng gusali nang humingi ng tulong sa mga mamamahayag ang isang Chinese national na may asawang Pinay upang mailigtas ang kanyang kaibigan na gusto ng magbitiw matapos ang siyam na buwang pagtatrabaho bilang scammer sa isa raw silid na nasa apat na palapag na gusali sa naturang lugar

Kumilos naman ang pulisya sa utos ni Pasay City Police chief P/Col. Yahya Yusup at agad tinungo ang gusali pero bigo silang makapasok sa saradong bakal na gate na may barb kaya hindi nailigtas ang dayuhang Chinese na nais ng magbitiw sa trabaho.

Lumabas sa pagsusuri na educational institution ang inaplayang business permit sa BPLD na malayo sa ilegal na aktibidad na online scamming na ang mga kawani ay pawang mga Chinese nationals kaya nagbigay ng “go-signal” si Mayor Emi Calixto-Rubiano na inspeksiyunin ang lugar.

Ang ikinababahala ngayon ng Chinese national na humingi ng tulong sa media, baka binugbog at pinahirapan ng husto ang kanyang kaibigan, tulad ng iba raw na nabistong nagpapasaklolo, o baka raw tuluyang pinatahimik na o inilipat sa ibang lugar.

Hakbang ni Mayor Honey na ipaayos ang Lagusnilad, pinapurihan

MAGALING ang naging desisyon ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na balikatin na lang ng lokal na pamahalaan ang magugugol sa pagsasa-ayos ng Lagusnilad vehicular underpass sa halip na hintayin pa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na asikasuhin ang matagal ng problema.

Marami kasi ang nag-aakala na ang lokal na pamahalaan ang nagiging pabaya sa hindi pagsasa-ayos ng Lagusnilad, lalu na’t nasa harap lamang ito ng Manila City Hall kaya umaapaw ang reklamong dumarating sa tanggapan ng alkalde hinggil sa napakasamang daan ng naturang underpass.

Kahit ilang ulit ng ipinaliwanag ng alkalde na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Pambansang Pamahalaan ang Lagusnilad Underpass, bilang bahagi ng Taft Avenue na isang national Road, si Mayora pa rin ang tila sinisisi ng mga motoristang hindi nakakabatid sa tunay na dahilan.

Sana, pamarisan ng ilan pang local chief executives ang naging hakbang ni Mayor Honey lalu na’t maraming mga national roads sa Metro Manila ang hindi naaasikaso ng DPWH kaya ang mga alkalde ang sinisisi ng mga motorista.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE