Default Thumbnail

NPC at PSA para sa National ID

July 18, 2022 Paul M. Gutierrez 315 views

PaulBAGO ang lahat, isa munang sinserong pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ni ‘Tata’ Joven Custodio, sa kanyang pagpanaw nitong nakaraang Sabado, Hulyo 16, matapos ang atake sa puso. Si Tata Joven ay matagal na naglingkod sa pahayagang ito at isa sa mga matibay na haligi ng National Press Club.

Mabuhay ka, Tata Joven and may God keep you under his warmth wherever you may be right now.

***

Nagsimula na po ngayong Lunes ang Philippine Identification System Registration (Philsys) ng National Press Club para sa national ID system kasama ang Philippine Statistics Authority. Nagaganap ang aktibidad na ito ngayon sa 4th Floor ng NPC Building na tatagal hanggang Biyernes ika-22 ng Hulyo mula 8:30 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Layon po ng programang ito ang pagsuporta ng NPC sa ginagawang ito ng PSA alinsunod sa Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification Act.

Bukas po ito sa lahat ng miyembro ng NPC at kanilang mga pamilya, kaanak at kaibigan na may gulang limang taon pataas at kahit po sa ‘general public’ na gustong magkaroon ng kanilang national ID.

Kinakailangan lamang po ng anumang government issued ID at orihinal na kopya ng inyong birth certificate. Kung wala po ng mga nabanggit ay maaari po kayong magdala ng original barangay certificate.

National ID po ito, ha at hindi NPC ID. Yung NPC ID po natin ay kasalukuyan na po nating pinoproseso. Ang uunahin po natin ay yung mga bayad ng kanilang membership dues. Para po sa mga hindi pa po nakakabayad ng membership dues natin ay kailangan muna po tayong ma-update bago po tayo magkaroon ng ID.

Ang NPC ID po ay libre para sa mga miyembro natin ‘of good standing.’

Sa mga magbabayad pa lamang, magdala na rin po kayo ng inyong ID picture para sa pagproseso ng inyong ID.

Ayun po. Simula p, siyempre!

Natutuwa po tayo na ito po ang isa sa mga una nating proyekto at nagpapasalamat po tayo sa PSA sa kanilang paglapit at pag-alok sa NPC para maisagawa ng proyektong ito.

Marami po kasi sa mga kababayan natin na hindi nakikita ang kahalagahan ng national ID system na ito na libre naman nating makukuha.

Ito na po ang magagamit natin bilang valid ID sa lahat ng transaksiyon ng gobyerno. Kesa po kung anu-anong ID na mahirap kuhanin, ito na po at PSA na po ang lumalapit sa atin para mapadali ang ating pagkuha.

Nawa po ay masuportahan natin ito, dahil unang-una ito po ay para sa inyo. Mayroon po tayo hanggang Biyernes para dito. Kaya punta na po, lalo na sa mga nasa malalapit lang naman ang tinutuluyan.

Uulitin po natin, isa pa lamang po ito sa mga naka-line up nating proyekto dahil sa nakapagsimula na rin pong makapagpulong ang mga komite ng ating organisasyon sa ilalim po ng bagong pamunuan ng NPC sa pangunguna syempre ni Pang. Lydia Bueno.

Nito pong nakaraan, nakapagpulong na rin po tayo kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumisita po sa ating opisina.

Maganda po ang ating naging usapan sa kanila na lubos po na makakapaglingkod sa mga miyembro ng midya. Abangan po natin ang mga susunod na detalye tungkol dito!

Sa mga darating na buwan din po, pauna na po natin na magkakaroon tayo ng NPC Sports Festival. Magkakaroon po tayo ng tournament para sa billiard, dart at basketball. Sa ngayon po, maiinit-init pa ito at kailangan pang plantsahin ang iba pang mga detalye ng mga proyektong ito.

Ilan lamang po ang mga ito sa ‘initial salvo,’ wika nga, ngayong taon. At abangan pa po ang mas marami pang paglilingkod na gagawin natin. Dahil alam naman po ninyong lahat na subok na ninyo ang liderato ng kasalukuyang pamunuan ng NPC.

Mula po nang manguna ang Press Freedom Party ay talaga naman pong hindi tayo tumigil sa pagtatrabaho makapaglingkod lamang at malinis ang pangalan ng NPC mula sa mga dating opisyal at miyembro na dumungis dito.

Ngayon po, saksi ang lahat kung paano tayo kinikilala ng iba’t ibang sektor ngayon at maging ang gobyerno ay nakita ang ating mahusay na trabaho at liderato. Kaya naman po hindi na kataka-taka na marami po sa ating mga opisyal ay napili o na-appoint sa mga posisyon sa gobyerno.

At tulad po ng nasabi namin sa inyo, hindi po tayo titigil sa pagseserbisyo. Bahala po ang mga naninira sa atin na wala namang ambag sa ating minamahal na organisasyon.

Basta tuluy-tuloy po lang ang ating ginagawa sa pagpapabuti ng Club at nakita na po nating lahat na malayo na po ang ating narating. Marami na rin tayong nagawa at napatunayan. Hindi na po tayo babalik sa dating maruming nakaraan ng NPC.

Kaya abangan po natin ang iba nating mga proyekto at aktibidad ng NPC. Muli, maraming salamat po sa bumubuo ng PSA.

AUTHOR PROFILE