Default Thumbnail

Ilantad ang mga nakawangwang!

July 18, 2022 Allan L. Encarnacion 230 views

Allan EncarnacionMADALAS din akong mahawi ng mga mga naka-wangwang na sasakyan.

Minsan, magugulat ka, doon sa mismong one way sila dadaan at bigla kang patatabihin ng kanilang mga hagad.

Kailangan mong tumabi hindi dahil nakikiusap sila. Dapat kang tumabi kasi awtoridad sila, kailangan mong magbigay-daan dahil may nakalabas pang puluhan ng armalite sa bintana ng sasakyan.

Ang nakakagawa lang naman nito ay iyong mga pulitiko, anak ng pulitiko, malapit sa mga pulitiko, mga malapit sa korte, mga nasa korte, mga government agency, mga malapit sa ahensiya, mga nasa impluwensiya, mga may pera na, may impluwensiya pa.

Samantalang ako, kasama ng karaniwang mga Pilipino ay sumusunod sa batas-trapiko, hindi gumagamit kahit gasera sa bubong ng aming mga sasakyan. Gaano katagal na ba nilang ginagawa ito? At hanggang kailan totoong mapapatigil ang mga ganitong klase ng panlalamang sa kapwa?

Ngayong may ginagawang crackdown ang PNP Highway Patrol Group laban sa mga siga sa lansangan, hindi dapat ito matapos sa simpleng kompiskasyon ng kanilang sirena at wangwang gadgets. Dapat kasama sa kukumpiskahin ay ang sasakyan na kinabitan nito at kasuhan ang driver or sino mang nakapangalan sa behikulo ng paglabag sa Presidential Decree na inisyu pa ng yumaong dating Pangulong Macoy.

Ang problema lamang natin dito, kulang sa transparency ang kampanya ng HPG. Una, hindi sinasabi ang mga plaka ng sasakyan na kanilang nahuli at kung sino ang tao na kanilang nahuling gumagamit nito.

Iyon mismong pagtatago sa pangalan at plate number ng mga nahuli ay “systemic wangwang mentality” na dapat ding mabago. Kung inilalabas natin ang pangalan ng mga kinasuhan ng rape na hindi pa man convicted, bakit hindi natin ilalabas ang pangalan ng mga may-ari ng sasakyan at kanilang plate number?

Mahigit isang daang sasakyan na ang nahuhuli magmula nang palakasin ang kampanya laban sa wangwang pero wala pang nababanggit na pangalan kung sino ang mga ito. Kailangang rebisahin ng PNP-HPG ang kanilang kampanya dahil ang pagkukubli sa pangalan ng mga nahuhuling sasakyang umaabuso sa lansangan ay pagkunsinti rin sa kanilang ginagawa.

Sabi nga sa Ingles, let’s call spade a spade, kahit sino pa yan, dapat ilantad sa publiko. Ang sinasabing puwede lamang gumamit ng wangwang maliban sa ambulansiya ay Presidenre, Vice President, Chief Justice, Senate President at Speaker of the House.

Kahit nga mga ambulansiya at armored car ng mga bangko ay hindi dapat umaaktong siga sa kalye. Makailang ulit nang nahuli ang ambulansiya na kargahan ng shabu at iba pang kontrabando kaya dapat sinisira sila sa tuwing kumakaripas sa kalye. Kapag wala namang sakay na pasyente ang ambulansiya pero nakawang-wang, dapat gawin natin agad pasyente ang abusadong driver!

Nanawagan tayo sa Highway Patrol Group na ilantad ang pangalan at mukha ng mga nahuhuli nila para talaga hindi na ito pamarisan ng publiko.

[email protected]