Default Thumbnail

No to martial law sa presinto!

August 14, 2023 Allan L. Encarnacion 246 views

Allan EncarnacionSUNUD-SUNOD ang “kalamidad” na lalong sumisira sa imahen ng ating Pambansang Pulisya na kung tawagin ay “man-made disaster.”

Una ay ang pagkakasangkot sa illegal drugs ng ilang opisyal, kasama na ang hepe pa mismo ng PDEA sa isang parte ng Metro Manila.

Sumunod ay ang pagkakakumpiska ng isang toneladang shabu sa isang sarhento na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa Maynila.

Sinundan pa ito ng robbery sa kinita ng isang vendor sa Quezon City.

Nito lang isang araw, pinagbabaril naman ng ilang pulis-Navotas ang isang binatilyong napagkamalan lang nilang suspect sa shooting incident dahil lumundag sa ilog.

At ang pinakahuli ay mga pulis-Iriga naman sa Bicol na umaresto sa isang reporter ng DZRH na ang tanging kasalanan ay nagbasa ng police blotter sa presinto na hindi nagpaalam sa hepe.

Ang demanda ng mga pulis, paglabag sa Data Privacy Act ang ginawa ng reporter kaya tatlong araw itong nakulong bago pa nakapagpiyansa ng P10,000. By the way, sinabi ng reporter na pinag ambagan lang nila ng kanyang mga kasamahan at kamag-anak ang pera para makabuo ng pang-piyansa.

Anak ng pitong matsing na nilandi ng kuneho, kailan pa naging krimen para sa mga reporter or sa kanino man ang magbukas at magbasa ng police blotter? Unang-una, ang police blotter ay isang pampublikong dokumento na puwede namang buksan, lalo na ng reporter.

Panahon pa ng martilyong bato, ganyan na ang ginagawa naming mga reporter kapag na-assign kami sa mga police beat. Ang blotter mismo ang batayan ng mga police story at doon nagmumula ang mga detalye para sa mamamahayag.

Sa pamamagitan din ng mga detalye sa blotter ay nagkakaroon ng followup ang mga reporters sa anumang kaso na gusto nilang ilabas sa kanilang mga pahayagan, radyo or telebisyon.

Kaya naman pala, binanggit ni Presidential Task Force on Media Security chief, Undersecretary Paul Gutierrez nang makapanayam ni Lakay Deo Macalma sa DZRH na naglabas ng memorandum circular ang dating PNP Chief na si General Archie Gamboa na nagdedeklarang ang police blotter ay isang confidential document.

Pakiulit nga? Kailan pa naging confidential document ang police blotter?

Malaki talaga ang problema ng PNP na dapat tutukan ni General Ben Acorda. Kung hindi lulusawin ni General Acorda ang ganoong klase ng memorandum ay palagi na lamang may reporter na makukulong at magmimistulang martial law ang umiiral sa mga presinto.

Ipagpalagay na nga nating sumunod nga lang si hepe sa memorandum kaya ipinatupad ang warrantless arrest laban sa reporter, tama rin ba na ikulong agad ito at isama sa selda kasama ng mga kriminal? Hindi ba’t dapat ay custody lang muna at hindi agad isasadlak sa selda na parang pusakal na kriminal?

At hindi ba’t palagi namang magkaibigan ang media at ang pulis? Bakit humahantong sa ganoong klase ng panggigipit sa isang maliit na bagay na masasabing hindi naman capital offense?

Overacting ang ginawa ng Iriga police laban sa reporter. Sana lang ay ganyan din sila ka-overacting kapag mga drug lords, mga carjackers, robbers at mga high profile criminals na ang kanilang nakaharap.

Gusto nating marinig ang tinig ng Commission on Human Rights sa kasong ito.

Pahabol: Nito lang isang araw, habang isinusulat ko ang kolum na ito, may insidente na naman ng barilan ng dalawang pulis sa Daet, Camarines Sur. Pinagbabaril ang isang chief of police ng kapwa niya rin pulis habang nag-iinuman. Sakit sa dibdib nito.

Paging DILG Secretary Benhur Abalos, sirit na, ano po ba ang solusyon natin dito?

[email protected]