Default Thumbnail

No license, no plate rider tiklo sa checkpoint

July 2, 2023 Edd Reyes 137 views

SUMALPOK ang isang motorsiklo sa nakaparadang kotse matapos takasan ang checkpoint Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Sa ulat nina Police S/Sgt. Diego Ngippol, S/Sgt. Benjie Nalogoc at Cpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, timbog ang suspek na si JC Val Enriquez, ng 125 Sitio Santo Niño, Brgy. Concepcion, matapos tumakas at makipaghabulan sa dalawang pulis na humabol sa kanya.

Nayupi naman ang Suzuki Swift Hatchback na pag-aari ni Alfonso Hizon, 72, dating kawani ng pamahalaan, nang mabangga ito ni Enriquez dahil sa pagmamadali.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-7 sa Brgy. Flores nang parahin ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklong walang plaka dakong alas-12:40 ng madaling araw.

Sa halip na huminto, tumakas si Enriquez na naging dahilan para habulin siya nina P/Cpl. Agosto Bilalay at P/Cpl. Joe Christian Fiel.

Sa pagmamadali, nabangga ni Enriquez ang nakaparadang kotse.

Noon na nalaman ng mga pulis na walang lisensiya ang suspek at wala ding plaka ang kanyang motor.

Inimpound ng pulisya ang motor ng suspek at nakatakda siyang sampahan ng kasong disobedience to a person in authority, driving unregistered motorcycle, driving without license at reckless imprudence resulting in damage to property.

AUTHOR PROFILE