Posas

Nigerian nat’l kalaboso sa pamemeke

March 4, 2024 Melnie Ragasa-limena 63 views

KALABOSO ang napala ng 23-anyos na babaeng Nigerian national na nabuking sa pamemeke ng mga IDs at iba pang dokumento kaya natangayan ng daan libong pera ang pawnshop sa Quezon City noong Linggo.

Kinilala ang suspek na si Angel Chioma Okonkwo Nigerian ng Blk 22, Lot 7 Urdaneta St., Guadanoville Subdivision, Brgy. 183, Caloocan City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-11:43 ng umaga ng muling isagawa ng suspek ang kaniyang modus sa Cebuana Lhuillier sa Robinsons Novaliches Mall sa Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg George Caculba, gumamit ang suspek ng ilang card tulad ng Republic of Ghana passport na may mga pangalang Ericka Mae Reyes at Dani Narcisa Reyes para ma-claim ang P202,000 remittance sa iba’t ibang sangay ng Cebuana Lhuillier.

Nadiskubre ng pawnshop ang modus ng suspek nang muling makipag-transaksyon sa kanila noong Linggo.

Ayon kay Marilyn Valencia, area head ng Cebuana Lhuillier, muling ginamit ng suspek ang pasaporte sa ilalim ng pangalang Dani Narcisa Hall at nakikipag-transaksyon sa kanilang branch head na Ma. Louselle S. Barredo at nakakuha ng P110,430 remittance mula sa USA.

Agad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng Lhuillier sa QCPD, na humantong sa pagkakadakip ng suspek.

Nabawi sa suspek ang P110,430 cash; Somali Republic passport at ang remittance receipt.