MIAA

Sanitary lapse sa NAIA inamin ng MIAA chief

March 4, 2024 Zaida I. Delos Reyes 104 views

INAMIN ni Manila International Airport Authority (MIAA) acting chief Eric Jose Ines na nagkaroon ng sanitary lapse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naging sanhi ng pagkakaroon ng surot infestation at iba pang mga uri ng insekto sa lugar.

Ang pag-amin ay ginawa ni Ines kasunod ng mga nag-viral na video footage sa social media kung makikita ang daga, ipis at surot sa loob ng paliparan.

Kasabay ng pag-amin, wala namang sinisi ang opisyal sa nangyari kundi ang kanyang sarili.

Aniya, ayaw niyang magturo kung sino ang nagkulang dahil kasalanan niya ito at marami pa aniya silang dapat ayusin sa NAIA.

Nanawagan din ang opisyal sa mga epleyado ng paliparan ng tulungan siyang tugunan ang problema.

Humingi din ang opisyal ng paumanhin sa mga pasahero ng paliparan na nabiktima o nakagat ng surot.

Tiniyak din ni Ines na sa sandaling may mapatunayang may pagkukulang sa bahagi ng mga pest control contractors ay hindi siya mangingiming bawiin ang kontrata ng mga ito.