Alden

Nega issues kay Alden, kagagawan ng taong nagmamando sa aktor

May 9, 2023 Vinia Vivar 382 views

Sino kaya itong malapit kay Alden Richards ngayon na umaakto raw na “high and mighty” at siyang nasusunod diumano sa lahat ng ginagawa ngayon ng aktor?

Ito ang tanong ng batikang manunulat/radio and TV host/vlogger na si Cristy Fermin sa kanyang latest vlog.

Magbuhat daw kasi nang pumasok ang taong ito sa buhay ni Alden ay marami nang hindi magagandang bagay na nangyayari sa aktor.

Ang isang tinutukoy ni ‘Nay Cristy na hindi magandang insidente ay ang pagkakaroon ng “Hawi Boys” ni Alden na hinarang-harang ang entertainment press na gustong uminterbyu sa kanya sa isang presscon recently.

Pangalawa ay may lumalabas daw ngayong issue na noong panahong ginagawa ni Alden ang teleseryeng Start-Up ay nagpapahintay daw ito sa mga kasamahan sa set.

“Na on the set na raw po ‘yung mga kasamahan niya pero siya (Alden), nasa waiting area pa rin o dressing room, hindi pa lumalabas,” tsika ni ‘Nay Cristy.

Ayon pa sa batikang manunulat, nakarating na sa kanya ang pangalan ng taong nagbibida-bidahan kay Alden at kailangan lang niyang makausap ang aktor para kumpirmahin ito.

“Kailangan lang naming kausapin pa si Alden Richards kung gaano katotoo na may isang tao po siyang kasa-kasama ngayon na parang siya ang nagmamando kay Alden,” sabi ni ‘Nay Cristy.

Ibinunyag din niya na ang taong ito ay may ginawa umanong pambabastos sa isang TV shoot ni Alden.

“Mayroon daw pong sinabihan itong taong ito ng ‘Out! Out!’ Hindi ko alam kung alam ni Alden itong pangyayaring ito pero ‘yun po ang kumakalat sa mga ahensiya ngayon. Sinigawan niya ng ‘Out! Out!’ ‘yung mga agent. Konting respeto lang ang hinihingi nila, parang ganu’n.

“At ito raw taong ito, kapag nasa loob ng dressing room si Alden, ayaw palabasin dahil inaantok, natutulog pa, pagod na pagod.

Nagpapahinga pa,” kwento ni ‘Nay Cristy.

Ang concern niya ay baka raw hindi alam ni Alden na hindi maganda para sa kanya ang ginagawa nitong taong ito. Kaya naman may payo siya sa aktor.

“So, kailangan po nating payuhan si Alden Richards na ‘sayang naman, anak, ‘yung ilanpung taon mo ng pagpupunyagi. Sayang naman ang pangarap n’yong mag-ina na hindi na nga nakita ng mommy mo dahil pumanaw na,’” she said.

Dagdag pa niya, “Napakasayang ng panahon na itinutok mo sa trabaho mo kung wawasakin lamang ng mga tao na nagmamando sa iyo ngayon.”

Kasunod nito ay tinawag niya ang pansin ng GMA-7 na baka pwedeng linisin ang mga negative issue kay Alden.

“Pwede na rin nating hingin ang pansin ng GMA-7, ‘di ba, baka pwede n’yo pong linisin itong mga kwento na ito. Baka naman kailangang kausapin n’yo si Alden kung sino ang taong ito na inirereklamo sa kanyang hanay. Kasi, kalat na kalat na, eh,” panawagan ni ‘Nay Cristy.

Kilala raw niya si Alden bilang isang mabait, marespeto, magalang at masunuring tao kaya naman nalulungkot din siya sa mga negative issue na naglalabasan sa aktor ngayon.

AUTHOR PROFILE