Nakuryente NAKURYENTE – Ang katawan ng 14-anyos na biktima habang nilalapatan ng pangunahing lunas bago pa man isinugod sa pagamutan, matapos na makuryente umano ito sa loob ng isang warehouse sa Tondo, Maynila. Kuha ni JON-JON C. REYES

NANGISAY HANGGANG MAMATAY!

September 2, 2023 Jonjon Reyes 223 views

NANGISAY hanggang sa tuluyang bawian ng buhay ang isang menor de edad, matapos makuryente sa loob ng isang bodega nitong Biyernes sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ang 14-anyos na binatilyo ay nakita sa loob ng bodega ng isang business/residential compound sa 26 C-2 Capulong Street, Barangay 104 sa Tondo.

Isang Joey K. Lepitan ang umano’y may-ari ng nasabing warehouse, kung saan natagpuan ang biktima dakong 10:20 ng umaga nitong Biyernes.

Napag-alaman base sa pahayag ng mga rumespondeng bumbero sa sunog sa Sitio Damayan, Tondo, na sina Bureau of Fire Protection (BFP) Emergency Medical Service Senior Fire Officer (SFO) 1 Sherly Malaca at SFO1 Herbert Resis, sila ay pabalik na sa kanilang barracks nang may biglang lumapit na ilang bystander at ilpinagbigay-alam ang insidente.

Ayon sa salaysay ng ilang mga nakasaksi, ang biktima ay nakuryente umano sa air conditioner na nakalagay sa canopy ng nabanggit na lugar. Natagpuan ang biktima sa tabi ng air conditioner.

Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Station sa lokasyon upang magsagawa ng pagsisiyasat at ikordon ang lugar, kung saan inabutan pa ng mga ito na ibinababa na ng mga tauhan ng BFP ang biktima at nilapatan ng lunas at bandage ang sugatang ulo nito bago isinugod sa pagamutan.

Agad namang itinawag sa himpilan ni Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng MPD, ang nasabing insidente na kaagad ding intasan si PSMS Dennis Suba na magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Narekober ang isang pliers na umano’y gamit ng biktima sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Gayunpaman, inaalam pa ng pulisya kung ano ang ginagawa o sadya ng biktima sa nasabing warehouse bago siya nakuryente.

Construction worker tumilapon, tigok din

Samantala, patay din ang isang construction worker matapos na makuryente habang nag-aayos ng molding sa loob ng isang bagong gawang bahay sa Laoag City sa Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Allyson John Domingo, 22-anyos at residente ng Barangay 1, San Nicolas ng naturang probinsya.

Inaayos umano ng biktima ang molde sa loob ng bahay nang bigla nitong mahawakan ang live wire.

Dahil sa lakas ng boltahe ng kuryente tumilapon ng ilang metro ang biktima.

Nadala pa ang biktima sa pagamutan subalit hindi na ito nailigtas pa.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. Ni JON-JON C. REYES & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE