Mariano

Pekeng ISAF agent may panibagong kaso

September 2, 2023 Edd Reyes 246 views

MAY bagong kaso na ipapataw ang pulisya sa lalaking nagpakilalang miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na nakaalitan sa kalsada ng isang pulis na nag-viral sa social media sa Makati City.

Kinumpirma ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano ang dagdag na kaso na isasampa laban kay Angelito Rencio.

Ayon kay Mariano, unang pumunta sa tanggapan ni P/Lt. Col. Ariel Huesca, ang hepe ng Anti Trans National Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa Camp Crame si Rencio noong Biyernes ng hapon at dito siya sinundo nina Makati police chief P/Col. Edward Cutiyog pasado alas-5 ng hapon.

Pagsapit sa opisina ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Makati police dakong alas-7:45 ng gabi, nagpakita si Rencio ng mga pekeng ID ng AFP at nakasuot ng uniporme.

Sinabi ni BGen. Mariano na karagdagang kasong paglabag sa R.A. 493 o ang batas na nagbabawal sa pagsusuot, paggawa at pagbebenta ng uniporme, insignia, dekorasyon, medalya, badges, patches o ID ng AFP at paglabag sa Art. 172 ng Revised Penal Code o Falsification of Public Documents ang isasampa ng Makati police kay Rencio..

Itinanggi din ng AFP na hindi nila kailanman naging miyembro si Rencio.

Nauna ng sinampahan ng Makati police si Rencio ng paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

AUTHOR PROFILE