Default Thumbnail

Nagpakilalang pulis, kasabwat huli sa ilegal na baril

February 1, 2023 Edd Reyes 257 views

NADAKIP sa buy-bust operation ng pulisya ang 33-anyos na nagpakilala umanong “pulis” at isa pang kasama matapos pagbentahan ng hindi lisensiyadong baril ang isang alagad ng batas na nagpanggap na buyer sa Caloocan City.

Kaagad pinosasan ng mga tauhan ng Northern Metro Manila District Field Unit (MMDFU) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek na nagpapanggap umano na pulis, residente ng 3rd Avenue, Barangay 120, at kasabwat na 19-anyos na tricycle driver na kanyang kapitbahay.

Ikinasa ng mga tauhan ni P/Col. Nicanor Ledesma III ng CIDG-MMDFU ang operasyon laban sa mga suspek dakong alas 6:30 ng gabi sa BMBA Compound, 3rd Avenue nito lamang Martes (Enero 31) bilang bahagi ng kanilang “Oplan Paglalansag Omega” matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon na sangkot sa pagbebenta ng armas at shabu ang dalawa.

Nakuha sa “pekeng” pulis ng mga operatiba ng MMDFU ang isang pirasong P5,000 genuine bill at limang P1,000 boodle money na ginamit ng pulis na pambili ng armas, isang kalibre .38 revolver na walang serial number na kargado ng apat na piraso ng bala.

Nakuhanan din umano ng tig-isang plastic sachet ng shabu ang dalawa matapos silang kapkapan.

Ang nagpanggap na alagad ng batas diumano ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA (Republic Act) 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms ang Ammunition Act at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kasama ang kasabwat nito sa piskalya ng Caloocan City.

AUTHOR PROFILE