Nadine Lustre

Nadine, nakipagpukpukan kina Vice, Coco at Noel sa takilya

December 27, 2022 Jun Nardo 269 views

BONGGA talaga ang mga Marites na gustong alamin agad ang mga pelikulang kumita sa unang araw ng 2022 Metro Manila Film Festival na nagsimula nu’ng Linggo, Disyembre 25.

Sa Facebook post ng MMFF, pawang pasasalamat sa pagbalik ng tao sa mga sinehan at pagtangkilik sa walong pelikula ang laman nito.

Walang resulta ng top grossers sa unang araw ng pestibal.

But knowing ang mga Marites ng showbiz, umikot sila sa mga sinehan sa unang araw at nagtanung-tanong kung kumikita ang entries.

Ayon sa reports, ang top four movies ay ang Partners in Crime nina Vice Ganda at Ivana Alawi, Deleter ni Nadine Lustre, Labyu with an Accent nina Coco Martin at Jodi Santamaria at Family Matters nina Noel Trinidad at Liza Lorena.

Pinapasok din naman daw sa mga sinehan ang iba pang entries na My Teacher nina Joey de Leon at Toni Gonzaga; Nanahimik ang Gabi nina Ian Veneracion, Mon Confiado at Heaven Peralejo; My Father, Myself; at Mamasapano: Now It Can Be Told.

Samantala, ngayong gabi gaganapin ang awards night. Kadalasan, eh, ‘yung big winners ng awards, nakakatulong upang maakit ang ibang manood na panoorin ito.

Sa Gabi ng Parangal ngayon, bibigyan si Vilma Santos-Recto ng Marichu Maceda Lifetime Achievement Award.

Patuloy na tangkilikin ang pelikulang Pilipino.

K-POP AT KAPUSO STARS, TAPATAN SA NEW YEAR COUNTDOWN

PINAGHALONG K-pop at GMA Kapuso stars ang pasabog sa New Year Countdown to 2023 na handog ng GMA Network ngayong Sabado, December 31.

Pangungunahan ni Alden Richards ang countdown kasama ang maningning na Kapuso stars.

Pero ang twist, sasabayan ng GMA ang watch party ng SB Gayo Daejon, ang hottest K-pop event sa South Korea kung saan ilan sa performers ay ang NCT 127, NCT Dream, The Boyz at marami pang iba pa.

Mapapanood ang Kapuso Countdown to 2023 Gayo Daejon sa Sabado, 10-30 p.m., at may live streaming sa GMA Network YouTube channel.

AUTHOR PROFILE