Default Thumbnail

MWP sa Maynila tiklo

November 17, 2022 Edd Reyes 255 views

BUMAGSAK sa kamay ng pulisya ang isa sa nakahanay na Most Wanted Person sa Maynila Martes ng gabi makaraang matunton ang pinagtaguan niyang lugar sa Sta Maria, Bulacan.

Pinakilos kaagad ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng Manila City Hall Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sina P/Maj. Emmark Dave Apostol at Lt. Edgar Julian matapos matanggap ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si Daniel Borromeo, 31, residente ng 1317 Franco St., Tondo, Manila na sangkot sa kasong murder.

Ayon kay Maj. Samonte, kasama ng kanyang mga tauhan ang Warrant and Intelligence personnel ng Raxabago Police Station na pinamumunuan ni P/Col. Rosalino Ibay, Jr. nang magtungo sa Sta Maria, Bulacan noong Martes ng pasado alas-5 na ng hapon upang dakpin si Borromeo na akusado sa pagpatay sa isang Lalamove driver noong Hulyo 15, 2022.

Bitbit ng raiding team ang warrant of arrest laban kay Borromeo na inilabas nito lamang Oktubre 10, 2022 ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Josefina Eco Siscar ng Branch 55 sa kasong murder na isang non-bailable offense.

Pasado alas-7 ng gabi nang matanggap ni Maj. Samonte ang tawag sa kanya ng mga tauhan upang ipabatid na naisilbi ng maayos sa akusado ang warrant of arrest matapos matukoy ang kanyang kinaroroonan sa 0670 Uban, Brgy. Catmon sa Sta Maria, Bulacan.

Nagpaabot naman ng pagbati sa mga tauhan ng SMaRT si Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon sa pagkakadakip sa isa sa itinuturing na most wanted person sa lungsod.

AUTHOR PROFILE