Default Thumbnail

MWP na nagtago ng higit 5 taon sumuko

February 17, 2023 Edd Reyes 282 views

MATAPOS ang mahigit limang taong pagtatago, bumalik sa kanilang lugar ang itinuturing ng pulisya na “most wanted person” (MWP) upang isuko ang sarili Huwebes ng hapon sa Malabon City.

Sa tulong ni Barangay Chairwoman Alma Vega Buenaventura ng Barangay Tañong, napasailalim sa kustodiya ni P/Maj. Carlos Cosme, hepe ng Malabon Police Sub-Station 6 si ang 36-anyos na lalaking MWP, residente ng naturang lugar na akusado sa pagpatay sa kanyang ka-lugar, mahigit limang taon na ang nakalilipas.

Napag-alaman na magkatuwang na isinagawa ng mga tauhan ni Cosme at ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police ang pagtugis sa suspek kaugnay sa ipinaiiral na programang S.A.F.E. NCRPO na dahilan upang tuluyang sumikip ang mundo ng akusado.

Sa panayam kay Chairwoman Buenaventura, pinagsasaksak ng suspek umano hanggang sa mapatay ang kapitbahay niyang lalaki noong unang bahagi ng taong 2018 matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo diumano sa isang lamayan.

Sa halip na harapin ang usapin, nagtago ang suspek kaya’t noong Mayo 22, 2018, naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya si Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Josie N. Rodil ng Branch 293 para sa kasong murder ng walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sinabi ni Cosme na nasa custodial facility na sa Malabon Police Headquarters ang MWP matapos niyang iturnover dito habang hinihintay pa ang commitment order na ilalabas ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.

AUTHOR PROFILE