MWP laborer dinakip sa ‘rape’
KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL, Sta. Cruz, Laguna – Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang construction worker na may kasong 4 counts ng panggagahasa sa regional level sa San Pablo City, Laguna.
Base sa ulat ni Laguna Police Provincial Director Police Colonel Cecilio Ramos Ison Jr. kay PRO-Calabarzon (Police Regional Office-Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director PBrig. Gen. Antonio C. Yarra ang inarestong suspek ay kinilalang si Dennis Laroza 38, ng Bgy. Sta. Isabel, San Pablo City.
Kabilang si Laroza sa rank no. 1 na most wanted person (MWP) regional level, Calabarzon sa kasong rape.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Garry Custodio Alegre, hepe ng San Pablo City Police Station (CPS), naaresto ang akusado sa kanyang pinagtatrabahuan araw ng Lunes ganap na 10:06 ng umaga sa Bgy. Santa Isabel sa bisa ng warrant of arrest sa kasong 4 counts of rape na isinampa laban sa kanya noong Hulyo 7, 2004 na walang nirerekomendang piyansa na mula sa Regional Trial Court, Branch 30 ng San Pablo City, Laguna.
Matagumpay na naisagawa ang operasyon sa pamamagitan ng nakalap na impormasyon mula sa Barangay Intelligence Network (BIN’s) ng komunidad.
Ang naaresto ay nasa kustodiya na ng San Pablo CPS habang ang court of origin ay aabisuhan sa pagkakadakip sa wanted na rapist.
Ayon sa pahayag ni PBrig. Gen. Yarra, “Hinihikayat din po namin ang ating mga kababayan na ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang impormasyon na kanilang nalalaman tungkol sa lokasyon ng mga nagtatagong mga akusado.”