Default Thumbnail

Motorcross rider nakaidlip, ‘nang-araro’

June 14, 2022 Melnie Ragasa-limena 258 views

INARARO ng sikat na motocross rider ang mga concrete at plastic barriers nang makaidlip umano habang nagmamaneho ng isang pick-up sa Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Wasak ang ilang concrete at plastic barrier na nasa paanan ng Quezon Avenue flyover sa EDSA nang araruhin ng minamanehong pick-up ng motocross rider na si Jovy Saulog.

Masuwerte namang hindi nasaktan o nasugatan sa aksidente si Saulog, ngunit natanggalan ng isang gulong ang kanyang sasakyan at tumagas pa ang langis nito sa kalsada.

Nagdulot din ng mabigat na daloy ng trapiko ang aksidente sa EDSA.

Aminado si Saulog na dahil madaling araw na nang bumibiyahe siya ay “napaidlip” siya at nagising na lang nang mabangga na.

“Medyo late na kasi kaya nakaidlip ako, Paggising ko nabangga na ako,” ayon kay Saulog.

Isinailalim naman sa liquor test ang motorcross rider ng mga awtoridad.