Default Thumbnail

Monthly allowances ng PWDs, solo parents handa na

June 14, 2023 Edd Reyes 805 views

TATANGGAPIN na ng mga persons with disabilities (PWDs) at solo parents sa Lungsod ng Maynila ang kanilang buwanang allowance sa susunod na linggo.

Ito ang ini-anunsiyo ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso sa ginanap na panibagong “Kalinga sa Maynila” nitong araw ng Miyerkules sa kanto ng Oroquieta at Tecson Streets na dinaluhan ng mga residente ng Barangays 366, 367 at 381 sa Sta. Cruz na sakop ng ikalawang distrito ng Tondo.

Kung maipapamahagi lahat ang buwanang P500 allowance ng mga PWDs at solo parents, tatanggap sila ng kabuuang P3,000 para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo.

“Ok, good news po sa mga PWD at solo parents, bigyan n’yo lang po kami ng isang linggo at makaka-receive na po kayo ng inyo pong allowance, by next weekend po. Lahat ng mga schedule ay ipo-post namin sa FB (Facebook) page ng Manila Public Information Office (MPIO) at MDSW. Kung saan n’yo po nakukuha dati, doon din n’yo rin makukuha ang inyong allowance,” pahayag ni Fugoso.

Binalaan din ng hepe ng MDSW ang mga humahawak ng “pekeng” ID ng PWD at solo parents na kanilang ginagamit sa iligal na pamamaraan tulad ng pagkakaroon ng malaking discount at iba pang benepisyo.

“Hinihigpitan po natin yung mga humahawak po ng mga fake PWD ID at saka solo parent, hindi po yan biro kasi nagagalit na po ang mga malls at ang mga restaurant na nagrereport po ng mga fake ID at iyan po ay pinapupuntahan na po namin sa mga pulis, kakasuhan po ang lahat ng mga may hawak ng PWD na fake at solo parent ID,” sabi pa ni Fugoso.

Sa kanya namang pahayag, sinabi ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na libre ang pamamahagi ng ID sa mga kuwalipikadong solo parents at PWDs pero ang ibang may masamang intensiyon para magkaroon ng pekeng ID ay nagbabayad pa ng mula P1,000 hanggang P2,000 para lamang magkaroon nito.

“Huwag po n’yong naisin na kayo ay magkaroon ng sakit, napakahirap po, kaya huwag na po kayong mag-fake ng bilang PWD baka matuluyan po kayong magkasakit. Mahuhuli na kayo matutuluyan pa kayong magkasakit,” babala pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE