Default Thumbnail

Mister pinagpalit sa iba ng OFW na misis, nagbigti

July 29, 2021 Edd Reyes 306 views

NAGPAKAMATAY ang isang 42-anyos na lalaki matapos matuklasang sumama umano sa ibang lalaki ang kanyang asawang domestic helper sa ibang bansa Miyerkules ng umaga sa Malabon City.

Wala ng buhay ang lalaki nang makita ng kanyang pamangking si Bartolome Em, 28, na nakabitin sa tinutuluyan nilang barracks sa loob ng Bendel Construction Supply sa 46 Don Basilio Bauststa Blvd. Bgy. Dampalit dakong alas-8 ng umaga,.

Ginamit ng lalaki ang nylon cord na ipinulupot sa kanyang leeg at itinali ang kabilang dulo sa kahoy ng kisame.

Ayon kay Malabon Police Sub-Station 7 commander P/Maj. Patrick Alvarado, stay-in at nagtatrabaho bilang tsuper sa naturang construction supply ang biktima habang helper naman ang kanyang pamangkin.

Sa ulat na ipinarating ni P/MSgt. Gerrie Bautista, na unang nagresponde sa lugar kay Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, mismong ang amo ng asawa ng biktima ang nagparating umano sa kaalaman ng mister ang ginawang pagsama sa ibang lalaki ng ginang kaya’t hindi na ito nakauwi sa bansa.

Sinabi ni Bautista na nakadagdag pa sa depresyon ng biktima ang pagkabigo niyang makapaghanda sa kaarawan ng kanilang anak hanggang sa mapansin na ng mga kasama sa trabaho ang kawalan lagi ng kibo at tila malalim ang iniisip.

Hindi naman na inirekomenda ni P/SSgt. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, na isailalim pa sa autopsiya ang bangkay matapos madesisyon ang mga kaanak na huwag nang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa paniwalang walang naganap na foul play at sadyang nagpakamatay ang biktima.

AUTHOR PROFILE