Allan

Mga planong nilamon ng mga pagkakataon

April 15, 2024 Allan L. Encarnacion 111 views

SABI ko sa sarili ko noon, kapag nag-stabilize na ang aking buhay, mag-aaral ako ang abogosya.

Sige lang ang kayod, paspas lang sa pagtatrabaho. Walang puknat ang pagsisikap, hindi tumitigil sa determinasyong maisaayos ang buhay matapos maka-graduate ng AB Communicatoin sa Lyceum, Manila noong 1990.

Nasa 3rd year college ako nang magsimulang magtrabaho bilang correspondent sa Abante/Abante Tonite noong 1989. Nang maka-graduate na ng college, doon na nagsimula ang paghahabol ko na mapalawak ang career hanggang maging editor ng iba’t ibang diyaryo at maging columnist sa Taliba at dito sa People’s Tonight.

Matapos sa print, napadpad din ako sa ABS-CBN morning show bilang writer at associate producer, nag-consultant sa ibang TV program, nag-creative and writer sa Studio 23, morning show sa UNTV, naging Public Information chief ng Malabon City at Pasig City until mapunta sa public relations.

Iyong pangarap na maging abogado, nilamon na ng maraming trabaho, inagos ng panahon, tinabunan na ng maraming opurtunidad at mga obligasyon sa pamilya. Ganoon pala iyon, hindi na madaling mag-aral kahit ano pang time management ang sabihin mo.

Magigising ka na lang isang umaga, iyong plano mong mag-aral at makakuha ng isang bagong karera ay naglaho. Dinaig na siya ng sitwasyon sa mga trabaho, pag-aasikaso ng pamilya at pagtugon sa napakaraming obligasyon. Ngayon, isa na akong ganap na lolo kay Mati na maglilimang taon na, tatay sa dalawang lalaki na isang nasa mid-30s at early 20s.

Nalipasan na ng panahon, naubos na ang mga pagkakataong puwede at kaya pa ng lakas mong pagsabayin ang career at pag-aaral. Nakamit ang establisadong buhay pero naubusan ka na ng panahong makapag-aral. Sabi nga nila, wala namang limitasyon ang edad para sa pag-aaral, totoo din naman iyon. Pero lahat naman ay nakabatay sa kanya-kanyang siywasyon.

Kaya nga kayong mga kabataan na nangangarap mag-aral at makatapos ng iba pang kurso, makapag-masteral at makapag-doctorate, gawin nyo na habang kaya pa dahil mahirap magsunog ng kilay habang naghahasa ka ng punyal para sa iyong karera.

Darating at darating ang panahong maisasantabi mo na ang plano mong mag-aral kapag nagsimula ka nang kumita ng sarili mong pera, kapag dumating ka na sa puntong pag-akyat at pagpapalawak ng iyong karera.

Mabuti na lang at natapos ko ang aking kolehiyo, imagine kung kikita ka na gayong hindi ka natatapos sa pag-aaral tapos pakiramdam mo’y kaya mo na, baka hindi ka na rin magtuloy sa iyong pag-aaral. Big no yan, kailangan magtapos sa pag-aaral ang lahat ng mga kabataan kung kaya din lang bago mag-isip ng pagpapalawak ng karera.

Tandaan natin mabuti ito mga batang nangangarap ng komportableng buhay sa hinaharap, iba pa rin ang nakatapos ka, wala itong katapat na pera sa iyong future income kapag may bitbit kang diploma.

Totoo rin naman na ang kalsada at ang labas ng school campus ay isang malaking paaralan na maraming puwedeng matutunan subalit ang eskuwelahan lang ang puwede mong maging pundasyon sa pag-iipon ng mga kaalaman patungo sa magandang karera at maayos na buhay na gusto mong lakbayin sa hinaharap.

[email protected]