Default Thumbnail

Mga magsasaka, tutulungan ng PAF sa pagbibiyahe ng produkto

January 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 288 views

PINAG-AARALAN na ng Philippine Air Force (PAF) at Department of Agriculture (DA) kung paano matutulungan ang mga magsasaka sa pagbibiyahe ng kanilang mga produkto sa malalayong lugar at maibenta upang hindi ito masayang at masira.

Ito ang inihayag ni PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo N. Castillo.

Ayon kay Castillo, bumisita ang mga kinatawan ng DA sa pamumuno ni ASec Kristine Evangelista, tagapagsalita ng kagawaran sa tanggapan ni PAF Commanding General Maj. Gen. Stephen P.Parenno nitong Enero 19, 2023 sa Villamor Air Base, Pasay City.

Layunin ng pagbisita ang pagkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng PAF at DA kung paano makakatulong ang una upang matiyak na hindi masasayang ang mga ani ng mga magsasaka at makahanap kung saan nila ito maaaring ibenta.

“The visit was intended to initiate exploratory talks on how the PAF can contribute to the DA’s efforts of helping farmers find markets for their goods. This initiative will ensure that farm [products] are not wasted because of lack of means to transport them where they can be sold to potential buyers,” pahayag ni Castillo.

Napag-usapan ng dalawang panig ang posibleng paggamit ng “excess capacities” ng PAF air assets upang isakay ang mga farm goods mula sa mga probinsya patungong Metro Manila.

“Utilizing extra cargo spaces during PAF flight missions for this purpose will encourage efficiency in the use of military resources as well as help the agriculture industry while promoting food security,” paliwanag ni Castillo.

Isa rin sa napag-usapan ang posibleng paglalagay ng Kadiwa Centers sa mga bases ng PAF kung saan maaaring makabili ang mga empleyado ng PAF gayundin ng kanilang pamilya ng mura at sariwang gulay mula sa mga lokal na magsasaka.

Ang pagpupulong ay kinakailangan sa pagbuo ng mga kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at DA para sa naturang inisyatibo.

Sa panig naman ng PAF, sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng pagpupulong ay tinitiyak nilang susuportahan nila ang anumang hakbang para sa seguridad at ikauunlad ng bawat sektor ng pamahalaan.