PNP naglabas ng pahayag sa isyu ng ‘harrasment’ sa Senate witness
NILINAW nitong Sabado ng Philippine National Police (PNP) na ang nangyari sa pagitan ng mga tauhan ng Bayambang Police Station at Senate hearing witness na si Gng. Merlita Gallardo ay isa lamang kaso ng “hindi pagkakaintindihan.”
Sa pahayag ng PNP, sinabi nito na ang pagbisita ng kanilang tauhan sa bahay ni Gallardo ay katugunan lamang sa inilabas na advisory letter mula sa DILG (Department of the Interior and Local Government) provincial office na humihiling na mangalap ng impormasyon at i-verify ang ulat hinggil sa umano’y pagpapatiwakal ng limang magsasaka mula sa Bayambang, Pangasinan.
“It was not intended to harass or cause her any harm or her family, rather it was to clarify and give more comprehensive reports on the truthfulness of the information regarding the alleged suicides,” pahayag ng PNP.
Wala umanong ginawa ang PNP para baguhin o bawiin ni Gallardo ang kanyang pahayag sa pagdinig sa Senado.
Ang pahayag umano na dapat lagdaan ni Gallardo ay resulta ng ginawang interview sa kanya ng mga imbestigador upang liwanagin ang dahilan ng pagkasawi ng kanyang asawa ay dahil sa “respiratory failure secondary to organophosphate poisoning.”
Ang pahayag na ito aniya ay susuporta sa imbestigasyon ng PNP na ang pagkamatay ng kanyang asawa noong Enero 19, 2021, ang nag-iisang kaso ng “suicide” ng magsasaka sa Pangasinan, taliwas sa naglabasang ulat na mayroon pang limang insidente ng suicide.
Matapos umano ang inisyal na pagsisiyasat, napag-alaman na kumilos lamang ang mga pulis sa Bayambang bilang tugon sa sulat mula sa DILG provincial office.
Kaugnay nito, inatasan na ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. si Pangasinan Provincial Police Director Col. Jeff Fanged na makipag-ugnayan kay Gallardo at alamin ang kanyang mga pangangailangan at siguruhin ang kanyang kaligtasan.
Kinausap na din umano ni Azurin si Gallardo sa telepono at nalinawan na ang isyu.
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na suportado nila ang Senate investigation sa tungkulin nito at functions sa ilalim ng “aid of legislation.”