Mga deboto kuntento sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno
Kahit walang ‘Traslacion’ ngayong taon
NAGING masaya naman ang mga deboto ng Itim na Nazareno na kahit walang “Traslacion” na idinaraos ngayong taon, ay kuntento at nagpasalamat pa rin sila sa selebrasyon ng pagdiriwang ng Pista sa Quiapo sa ilalim ng “new normal.”
Ang “Misa Mayor” na ginanap sa Quirino Grandstand sa Luneta Park, ay naisagawa pa rin kahit noong kasagsagan ng pandemiya dulot ng COVID-19.
Pahayag naman ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, malungkot man ang mga deboto at namamalataya dahil walang Traslacion ngayong 2023, ipinaalala niya na “Si Hesukristo ay palaging nasa buhay ng bawat Kristiyano.”
“Ang Traslacion ay hindi lang taon-taon kundi araw-araw na karanasan sapagkat ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ang Siyang nagpuprusisyon sa atin. Kaisa natin Siya upang makapag-Traslacion patungo sa tagumpay ng kaganapan ng buhay,” saad ni Cardinal Advincula.
Ang Traslacion ay ginaganap bawat taon para alalahanin ang paglilipat ng imahen ng Itim na Nazareno mula Intramuros hanggang sa Quiapo Church noong 1767.
Dinadaluhan ito ng hanggang tatlong milyong mga deboto, ngunit nakansela ito noong 2020 dahil sa pagpasok ng COVID-19 sa bansa at pinairal na health protocols.
Sa kabilang banda, makaraan ang misa, pumila ang mga deboto para sa “Pagpupugay” o paghawak sa bahagi ng imahe ng Nazareno, na siyang ipinalit muna sa “Pahalik.”
Nagkaroon naman ng oras-oras na misa sa Quiapo Church kahapon at ang panghuli ay ang pang-alas-11:00 ng gabi na misa na magtatapos ng alas-12 ng hatinggabi.
Dahil sa limitadong espasyo sa simbahan, marami ang nagkasya na lamang na makinig sa mga speakers na nakalagay sa labas ng simbahan sa Plaza Miranda at sa mga LED screens sa ilang lugar.
Marami sa mga deboto ang nagdala ng kanilang replica ng Nazareno, mula sa pinakamaliit na kasya sa palad hanggang sa halos sinlaki na ng tao.
Nagkaroon rin ng mga kasiyahan dahil sa mga “street performers” kabilang mga mga “fire dancers” at mga tumutugtog ng musikong instrumento.
‘398 mga deboto, binigyan ng tulong ng Philippine Red Cross’
Sa ulat ng Philippine Red Cross (PRC), umabot sa 398 ang naserbisyuhan at nabigyan nila ng medical assistance sa mismong araw ng Pista ng Poong Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Ayon sa datos ng PRC responders, karamihan sa mga tinulungan ng PRC personnel, volunteers ay mga nakaranas minor cases na nasa 29 indibidwal (abrasion, chest pain, contusion, laceration, abdominal pain, nausea).
Mas pinakamarami ang blood pressure monitoring na nasa 366 indibidwal na mananampalataya.
Nabatid sa ulat na dalawa ang kinailangang dalhin sa ospital dahil nahirapang huminga at isa ang naitala sa psycho social first aid.
Isa rin ang dinala ng Emergency Medical Unit sa Philippine General Hospital (PGH) dahil nakaranas ng stroke attack.
Ang Emergency Medical Unit ay itinalaga sa Kartilya malapit sa Manila City Hall kung saan mayroon itong 20 kama.
Mayroon ding 15 ambulansya ang PRC ang dineploy, apat na first aid stations, 280 total manpower volunteers, at ilang mga doctor at nurses na itinalaga simula Enero 7 hanggang Enero 9.