Mga dapat itanong sa incoming BBM administration

May 17, 2022 Allan L. Encarnacion 177 views

Allan EncarnacionHINDI natin masisi ang ibang sektor na nagpapakita ng galit sa ibang media entities at ilang media personalities, lalo na sa isyu ng pagiging biased.

Sa totoo lang naman, kaipokritohang sabihin na wala tayong mga kanya-kanyang biases sa kahit anong isyu o sa kahit sinong tao. Natural naman yan kahit saan nating aspeto tingnan.

Ang mas mahirap lang kasi, iyong nagpapanggap kang nakadamit pero hubad na hubad naman sa katotohanang mayroon kang pinapaboran. Kung minsan, kahit kaya mong itago sa iyong mga sinasabi ang pagiging biased, naibubuking ka naman ng iyong mga kilos. Sabi nga, ipinagkakanulo ka ng iyong sarili.

Halimbawa na lamang ay itong pagkakapanalo nila BBM at Sara. Natural lang na kaliwa’t kanan ang press conference, lalo na ni Atty. Vic Rodriguez na tagapasalita ni BBM.

Bukod sa mga pulong balitaan, mayroon din mga interview sa radyo at telebisyon kaya nga kung kukuha ka ng pang-sala, halos wala kang makukuhang maayos-ayos na tanong sa ibang nasa industriya.

Halimbawa ng mga estupidong tanong: Paano na po ang P203 billion tax evasion case ni BBM?

Iyong isyu ng human rights, sino po ang itatalaga sa CHR?

Bubuwagin na po ba ang PCGG na siyang nag-sequester ng mga ill-gotten wealth ng pamilya Marcos?

Hindi ko alam kung sariling tanong ba yan ng reporter or anchor or may driving force na tumutulak sa kanya para itanong ang mga iyon. Ito ang mga sinasabi nating alam na alam mo ang inuuna ang sariling interest at hindi ang kabutihan ng bayan.

Hindi pa nga nakakaupo ang bagong administrasyon, binabato na agad ng kung anu-anong putik na kasing itim ng tinta ng pusit.

Wala man lang akong marinig na mga tanong na may pakinabang ang bayan. Ano ba sana ang mga magagandang itanong kay Atty. Vic or kay BBM kung sakaling makapanayam n’yo sila?

Baka lang gusto nyong pumulot ng mga tanong dito, huwag na kayong mahiya:

Malaking problema po ngayon ang kakapusan ng pagkain kaya palaging may importasyon, palalakasin nyo pa ang agricultural sector? Ano pong tulong ang puwedeng gawin ng gobyerno para mahikayat ulit ang mga magsasaka na magtanim sa halim na ibenta ang kanilang mga sakahing lupa?

May plano po ba kayong buksan ang Kadiwa na nagbebenta ng mga murang pagkain noong dekada 70 hanggang dekada 80?

Ang mga produktong petrolyo po ay hindi maawat ang presyo, noong araw po sa atin ang Petron at may OPSF pa (oil price stabilization fund) na nagbabalanse sa presyo ng world market, posible po bang bilhin ulit ng gobyerno ang Petron at buhayin ang OPSF para makatulong sa ating mga mamamayan?

Ang Bataan Nuclear Power plant po na naitayo noong panahon ni FM ay naglalayong pamurahin ang kuryente pero hindi po napakinabangan, ano po ang plano rito ng incoming administrasyon?

Sa panahon po ni FM, malakas po ang health system natin kaya napakaraming naipatayong specialty hospitals gaya ng Lung Center, Heart Center at Kidney Institute. Sa ngayon po, Singapore na ang nangunguna pagdating sa espesyalidad na gamutan, paano po kaya mas mapapalakas ang ating health system, lalo na ngayong pandemic?

Matindi po ang naging kampanya ni outgoing President Duterte laban sa illegal drugs at nakitaan ang malaking pagbaba sa antas ng krimen, ipagpapatuloy nyo pa ang ganitong pagkilos?

Patuloy po ang pagdami ng mga kababayan nating lumalabas ng bansa para magtrabaho, paano nyo po mahihikayat ang ating mga kababayan na manatili na lang dito para dito na lang magtrabaho? Paano nyo po mapapalakas ang job generations sa loob ng anim na taon?

Sobrang dami ng tanong na magdudulot ng produktibong pagkilos sa paparating na administrasyon. Ang problema ng iba sa atin, nakatuon sa negatibo kaya ang unang maiisip mo ay kung paano huhugot ng mga nakakainis na tanong.

Parang awa nyo na, mag-isip naman ng konti para sa kapakinabangan ng bayan.

allanpunglo@gmail.com