Mag-ingat pero huwag magpadala sa takot!

May 17, 2022 Paul M. Gutierrez 79 views

PaulNITONG Martes, kinumpirma na ng Department of Health (DOH) ang pagkakaroon ng unang local transmission ng Omicron subvariant BA.2.12.1. Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tatlong kaso ng subvariant ang nadiskubre sa Western Visayas Region.

Ayon sa nakuhang datos ng DOH, isa sa tatlong kaso ang fully vaccinated na galing sa Estados Unidos habang ang dalawa ay local cases. Nasa 17 na ang kabuuang bilang ng mga kaso BA.2.12.1 sa bansa.

Bagamat mahalagang malaman ng publiko ang impormasyon tungkol sa bagong variant na ito at huwag maging kampante, mahalagang hindi rin matakot ang publiko dahil hindi natin gugustuhin na muling maibalik ang karanasan natin sa mga lockdown.

Hindi dahil sa gusto lang nating lumabas at mabuhay ng normal subalit para makabangon ang maraming pamilya. Alam naman natin ang nagiging ekonomikal na implikasyon kapag nagkakaroon ng lockdown.

Isa pa, tulad noong napabalita ang Delta varian na sinasabing lubha ring nakakahawa, kung nagpatakot tayo at muling isinara ang mga negosyo at kabuhayan ng mga mamamayan ay napakalaki ang nawala sa ating lahat.

Kahit na ikinatakot ng marami ang Delta variant pero mas ikinatakot nila ang gutom. Kailangan ng tao ang mabuhay kaya kailangan nating silang mabigyan ng impormasyon kung paano higit na makakapag-ingat hindi para muling magtago sa takot.

Lalo na ngayon na marami na ang mga pag-aaral ang lumalabas sa katotohanan ng COVID-19 na mas nagbibigay sa atin ng tamang kaalaman paano ito harapin.

Siyempre, naririyan din ang patuloy na pagbabakuna at malaking porsyento na ng ating populasyon ang masasabi nating protektado. Sa katotohanan ay hindi na masyadong natatakot ang tao sa COVID-19 hindi katulad noong una na inakala nang lahat na kapag nagka-COVID ka ay mamamatay ka na.

Bagamat totoong nakakamatay pa rin ang sakit na ito subalit mas natututunan na ng mga tao ang mabuhay na may pag-iingat dahil na rin sa mga pag-aaral at impormasyon na naibibigay sa kanila.

Kaya naman sa pag-uulat na mayroon tayong bagong variant of interest na BA.2.12.1 kailangan mag-ingat pero kailangan din nating matutong mabuhay kasama ang bagong variant na ito.

Ikinatutuwa natin na muling isinailalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang National Capital Region sa Alert level 1. Taliwas ito sa inaasahan ng marami na tataas ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 pagkatapos ng eleksiyon.

Magandang senyales ito dahil nakikita natin na kaya namang makasunod ng mga mamamayan upang hindi lubusang kumalat ang sakit na ito.

Sa ngayon, unti-unti nang nakakabalik ang mga mag-aaral sa kanilang mga eskwelahan. Nakakatuwang makita muli na nakauniporme ang mga bata papasok at palabas ng kanilang mga paaralan.

Kahit paano nakikita nating unti-unti nang bumabalik sa normal ating sitwasyon.

Ang pinagtataka nga lang natin ay bakit parang nauna pang nakabalik sa mga paaralan ang mga nasa elementarya at high school habang nasa online classes pa rin ang mga nasa kolehiyo? Mas immune ba sa virus ang mga bata kesa sa mga bagito?

Tingin natin mga kababayan, kung nakabalik na rin sa mga trabaho, opisina, pamamasada at pabrika ang mga manggagawa, siguro naman kakayanin na rin nating makabalik ang mga mag-aaral sa mga pamantasan dahil malaking karanasan ang nawawala sa kanila.

Siguro naman may alam na rin sa impormasyon ang mga nasa kolehiyo at alam na rin nilang mag-ingat. Hindi nga sila natatakot magpunta sa mga political rallies noong eleksiyon, hindi ba mga kabayan?

AUTHOR PROFILE