Default Thumbnail

Mga bodega ng asukal patuloy na iinspeksiyunin ng BOC

August 21, 2022 People's Tonight 215 views

PATULOY na iinspeksiyunin ng Bureau of Customs (BOC), sa pangunguna ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement Security Service (ESS), katuwang ang mga miyembro ng military intelligence, ang mga bodega ng asukal sa bansa lalo na ang sa Caloocan at Bulacan.

Unang isinagawa ng BOC ang inspeksiyon noong Agosto 19 at 20, 2022, sa kautusan na rin ng Office of the Executive Secretary at sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na inisyu ng Customs Commissioner, upang matiyak na sapat ang suplay ng asukal sa bansa.

Ang mga naturang bodega sa Caloocan at Marilao, Bulacan ay natuklasang naglalaman ng saku-sakong asukal. Hiningian na umano ang mga ito ng kaukulang dokumento habang ini-refer na rin sila ng BOC sa Department of Trade and Industry (DTI) at Sugar Regulatory Administration (SRA) para sa posibleng infraction.

Kaagad namang inatasan ni Commissioner Yogi Felimon Ruiz si Dir. Jeoffrey Tacio upang magsagawa ng imbestigasyon at nilinaw na ang bureau ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa modus operandi ng mga tiwaling indibidwal na nasa likod ng sugar smuggling.

“We would never allow such modus to happen. I took on this role with complete acceptance of the tall order of guarding the country’s borders against illegal smuggling. We would always bring the same 100% commitment to our jobs,” ani Ruiz.

Tiniyak naman ng BOC na mahigpit nilang iniimbestigahan ang ilang mga bodega, kabilang ang dalawang nasa San Jose Del Monte, Bulacan na sinasabing nag-iimbak ng mga “locally procured” na asukal.

Ang kontrobersiya sa pag-aangkat ng asukal sa bansa ay nagsimula nang ibasura ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), ang Sugar Order No. 4 na nag-o-otorisa sa pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal sa bansa.

AUTHOR PROFILE