Mayora Honey, VM Yul Servo, nagsagawa muli ng ‘Kalinga sa Maynila’
KAWALAN ng mga barangay hall ang isa sa mga idinulog na problema ng Punong Barangay sa Sta. Mesa, Maynila sa muling pakikipag-ugnayan nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa taumbayan sa ilalim ng programang “Kalinga sa Maynila” Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Chairman Rulyn Abueva Rosabal ng Barangay 588 Zone 58, Pagkakaisa, Sta. Mesa, nahihirapan silang makapagbigay ng mabilis at maayos na serbisyo bunga ng kawalan ng barangay hall na magsisilbing kanilang tanggapan na lugar na mapaglalagyan nila ng mga kagamitan na kinakailangan ng isang barangay at pagpupulungan ng Sangguniang Barangay.
“Sasamantalahin ko na po ang paghingi ng tulong sa lokal na pamahalaan lalo na po sa inyo, Mayor Honey Lacuna upang magkaroon kami ng barangay hall dahil hindi po namin magawang magtayo nito sa mismong kalsada o bangketa dahil magiging sagabal ito sa daloy ng trapiko at mga pedestrians,” pahayag ni Chairman Rosabal.
Ayon sa kanya, ang kanyang garahe at tolda sa bangketa ang nagsisilbi nilang pansamantala munang tanggapan na hindi aniya angkop para maging mabilis at maayos ang kanilang serbisyo sa mamamayan.
Bilang tugon, sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na problema talaga ng maraming Punong Barangay sa Maynila ang kawalan ng barangay hall dahil ang lungsod ang may pinakamaraming bilang ng barangay sa Kamaynilaan subalit wala namang bakanteng lote na mapagtatayuan nito.
“Kung gusto po ninyo, tulungan din ninyo kaming maghanap ng bakanteng lote sa inyong lugar na puwedeng pagtayuan ng barangay hall at kami na po ni Congressman Benny Abante ang sasagot sa mga gastusin para sa pagtatayo nito,” pakiusap pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan kay Chairman Rosabal.
Magugunita na ganito rin ang naging problema ng isang kapitan ng barangay sa District 2 sa Tondo bagama’t nang makakita ng bakanteng lote, sinagot kaagad ni Congressman Rolan Valeriano ang pagpapatayo sa tatlong palapag na barangay hall.