Jeannie

Mayor Jeannie pinangunahan pagbigay ayuda sa seniors

February 22, 2024 People's Tonight 123 views

NASA 37 Malabueño senior citizens ang nakatanggap ng tig-19 na sako ng bigas sa ilalim ng Integrated Livelihood Emergency Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at National Commission of Senior Citizens (NCSC) nitong Huwebes, Pebrero 22.

Pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pag-turnover ng mga sako ng bigas at iba pang tulong gaya ng food carts, n ginanap sa Malabon City Ampitheatre mula alas-9 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga.

Naging katuwang ng DOLE at NCSC sa aktibidad ang Malabon City Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at ang Nagkaisang Samahan ng mga Senior Citizens cooperative.

Umabot sa 2,300 sako ng bigas mula sa NCSC at DOLE ang ibinigay sa 144 na senior citizens mula sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela.

Ang 37 Malabueño senior citizens na tumanggap ng mga sako ay mga pinuno ng Federation of Malabon Senior Citizens Association (FEMASCA) at iba pang grupo mula sa 21 barangay sa lungsod.

Maaari nilang ibenta ang mga sako ng bigas upang makatulong sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa OSCA, Pinili ng mga senior citizen kung anong uri ng tulong pangkabuhayan (kabilang ang bigas, carinderia at tailoring packages) ang nais nilang matanggap batay sa kanilang interes at gusto nilang gawin upang kumita ang kanilan grupo at makatulong sa pagpapabuti ng ekonomiya ng lungsod.

Ang pamamahagi ng mga sako ng bigas ay bahagi ng mga programa ni Mayor Jeannie na kaugnay ng kanyang adhikaing maiangat ang buhay ng lahat ng Malabueño, kabilang ang mga matatanda.

Sinabi ni Mayor Jeannie na ipinapakita rin sa programa kung paano pinangangalagaan ng pamahalaang lungsod ang kapakanan ng mga senior citizen sa Malabon.

Bukod sa livelihood package, sinabi ng OSCA na may iba’t ibang programa ang pamahalaang lungsod para sa mga senior citizen tulad ng cash assistance, local social pension, feeding program, at emergency employment.

Nangako si Mayor Jeannie na pagbubutihin pa ang kalidad ng pamumuhay ng mga Malabueno sa pamamagitan ng dekalidad na mga programa para sa lahat.

AUTHOR PROFILE