
SPD chief: 3 puganteng gumagala sa Makati, Taguig ‘fake news’
NABAHALA ang mga residente sa Makati at Taguig sa kumakalat na text messages tungkol sa tatlong kriminal na pumuga sa kulungan at ngayo’y gumagala sa Makati City.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, lumabas sa imbestigasyon na “fake news” ang nag-viral na audio recording at text messages tungkol sa mga puganteng na ngayo’y gumagala sa may Guadalupe sa Makati at EMBO barangays ng Taguig City.
Nakipag-ugnayan sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) Team ng Makati ang SPD pati na sa Guadalupe Nuevo Police Station, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Makati at La Paz Custodial Facility upang alamin ang nag-viral na video recording pero lahat ng ulat na kanilang tinanggap nagpatunay na walang nakapugang preso sa kani-kanilang pasilidad.
Nanawagan ang SPD sa publiko na maging mapagbantay at paniwalaan lamang ang mga beripikadong impormasyon sa opisyal na pahayag ng kinauukulan.
“SPD remains dedicated to maintaining public trust and providing accurate and timely information to the residents we serve,” dugtong pa ng tanggapan ni Pespes.