Mayor Isko, dumalo sa inagurasyon ng Moriones PS-2

June 9, 2022 Edd Reyes 161 views

MULING tiniyak ni outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko na ang kanyang nasimulang magandang “pagbabago” sa Lungsod ng Maynila ay magtutuloy-tuloy sa bagong administrasyon ni Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan.

Ang pagtiyak ng alkalde ay kanyang ibinahagi sa kanyang pagsasalita bilang panauhing pandangal sa inagurasyon at pagbabasbas sa apat na palapag na gusali ng bagong Moriones Police Station 2 sa kanto ng J. Nolasco at Morga Streets, Huwebes ng umaga sa Moriones, Tondo.

Ayon sa alkalde, hindi dapat mag-alala ang mga mamamayan ng Maynila dahil ang kanyang mga nasimulang mga ipinatayong proyekto tulad ng pabahay, paaralan, ospital at programa sa pagkakaloob ng serbisyong pang-komunidad, allowance ng mga senior citizens at pulisya at iba pa ay ipagpapatuloy ng mauupong bagong alkalde ng lungsod.

Una rito’y pinasalamatan ng alkalde ang mga opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kabilang si Regional Director Nomer Abel Canlas sa pagtulong sa lokal na pamahalaan na maitayo ang bagong Police Station na magsisilbing tanggapan ng mga opisyal ng tauhan ng kapulisang nangangalaga sa kaayusan at katahimikan sa malaking bahagi ng ikalawang distrito ng Lungsod ng Maynila.

Pinasalamatan din niya ang naturang ahensiya, mga opisyal at tauhan nito, na nagbuhos ng malaking pondo sa Lungsod ng Maynila para maitayo nila ang mga proyektong kapaki-pakinabang sa publiko, lalo na sa mga taga-Maynila.

Sinariwa rin ni Mayor Isko ang kanyang karanasan noong sila ay naninirahan pa sa naturang lugar na sakop ng Police Station 2 sa may dulo ng Tuazon at Mabuhay Street kung saan siya namasada bilang isang pedicab driver na may rutang Juan Luna-Lakandula.

Ngayon aniya ay makikita na ang malaking pagbabago sa lugar dahil nakakalanghap na ang mga senior citizen ng sariwang hangin sa Plaza Moriones na puno ng mga halaman na isa lamang sa kanyang mga naisakatuparang proyekto sa lungsod.

“Kaya kung makikita ninyo, the national government and local government are working hand in hand and acting in synchrony with regards to development in any local government units (LGUs) will bring us better things. Kaya to the DPWH family, in behalf of the people of Manila, maraming salamat sa inyo,” sabi pa ng alkalde sa kanyang pagsasalita.

Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang okasyon sina Acting Philippine National Police (PNP) Chief P/Lt. Gen. Vicente Danao, Jr., National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Felipe Natividad, Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo Francisco, MPD Police Station 2 Commander P/Col. Harry Ruiz Lorenzo III at mga station commanders ng lahat ng police station ng lungsod.

AUTHOR PROFILE