Default Thumbnail

Mayor Honey, wagi sa poll protest na inihain ni Alex Lopez sa Comelec

October 8, 2022 Edd Reyes 217 views

IBINASURA ng Commission of Elections (Comelec) Second Division ang protestang inihain ng natalong mayoralty candidate na si Alex Lopez kaugnay sa naganap na May 9, 2022 election bunga ng kawalan ng sapat na ebidensiya sa mga inilatag na alegasyon laban sa nagwaging si Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan.

Sa pitong pahinang desisyon na isinulat nina Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Senior Member Commissioner Rey Buhan ng Comelec Second Division na may petsang Oktubre 6, 2022 subalit iprinisinta lamang ng araw ng Sabado, nakasaad na ang sinasabing malawakan at naka-dokumentaryong “pagbili” ng boto na isinagawa ng kampo ng alkalde ay pawang bintang lamang at wala isa mang nagpatunay na may katotohanan maging ito man ay mga pahayag o dokumentaryo.

Sa nakaraang halalan, humakot ng botong 538,595 si Mayor Honey Lacuna-Pangan na naghatid sa kanya sa “landslide victory” laban sa katunggaling si Lopez na umani lamang ng 166,908 na boto.

Agad namang pinasalamatan ng alkalde ang naging desisyon ng Second Division ng Comelec at sinabing umaasa siya na matutuldukan na ng tuluyang ang naturang walang katotohanang alegasyon.

“While it is Mr. Lopez’s right to file a protest as he sees fit, the reality is that the people of the City of Manila have overwhelmingly expressed and placed their support for the current, duly elected city administration. All the voters in our city deserve to have their collective choice recognized and given due course for the remainder of the incumbent’s term,” saad pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

“Furthermore, we are grateful that the Comelec Second Division has also recognized, and ruled accordingly, that these allegations of electoral fraud, irregularities, and anomalies remain just that: allegations that have no actual proof; no evidence has been found to support any of these claims,” dagdag pa ng alkalde.

Sa desisyon ng Comelec, hindi sila nakumbinsi ng kampo ni Lopez sa kabila ng mga “dokumentong” ipinakita nito upang katigan ang kanyang protesta laban sa kasalukuyang punong-lungsod. “It was dismissed for being insufficient in form and content,” ayon sa Comelec.

Sa kanyang protesta, sinabi ni Lopez na may naganap na iregularidad sa naging halalan sa Maynila na nag-resulta ng landslide victory ni Lacuna-Pangan. Inakusahan pa niya ang kampo ni Lacuna-Pangan ng paggamit umano ng kagamitan ng lokal na pamahalaan para matiyak ang kanyang panalo.

Gayunman, hindi kumbinsido ang Comelec dahil walang sapat na ebidensyang naipakita si Lopez tulad ng aktuwal na salaysay mula sa mga botante na nagsasabing hindi nabilang ang kanilang boto at ganoon din ang sinasabing kanyang saksi, kasama ang kanyang poll watchers, na magpapatunay na may naganap na malawakang pandaraya o “vote buying” na galing sa kampo ng alkalde.

Ipinunto pa ng Comelec na kahit ipagpalagay na ang sinasabing “discrepancy” o pagkakaiba sa botong 31,608 votes na “miscounted” na nabigong mabilang ay idagdag pa sa boto ni Lopez, hindi pa rin ito sapat upang mabaligtad ang resulta ng halalan kung saan ay may nakuhang boto si Lacuna-Pangan na 538,595 kumpara sa 166,908 na boto ng naghain ng protesta.

Sa naging paborableng desisyon ng Comelec, umaasa ang alkalde na matatapos na ang isyung halalan at sama-samang pagtulungang lalo pang paunlarin ang Maynila at lumago pa ang ekonomiya upang mas lalong tumaas ang antas ng pagkabuhay ng mga taga-lungsod.

“Mismong ang nakararaming residente ng Maynila ang nagsalita at nagpakita ng kanilang suporta sa kasalukuyang namumuno ng lungsod, dapat lang nating igalang ito, let’s all move on for the interest of our beloved city,” ani Mayor Lacuna-Pangan. “And I also urge Mr. Lopez to do the same,” pahabol pa niya.

AUTHOR PROFILE