
Kelot nahulog sa condo sa Malate
PALAISIPAN sa mga awtoridad ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station kung sadyang itinulak o nagpatiwakal ang isang lalaki sa isang condominium sa Malate, Maynila, madaling araw nitong Sabado.
Ang biktima ay tinatayang nasa 20 hanggang 25-anyos, nakasuot ng itim na sweatshirt at kulay itim na jogging pants.
Batay sa inisyal na ulat ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, station commander ng MPD Station 9, bandang 2:40 ng madaling araw nang makatanggap ito ng report sa isang nakatalagang security guard sa isang condo sa Padre Ocampo St. sa Barangay 719 sa Malate.
Ayon sa pahayag ng sikyu ng condo, habang umano’y nasa duty siya ng mga oras na iyon ay nakarinig ito ng kalabog at nakita na lamang ang biktima na nakahandusay sa semento.
Dali-dali niyang inimpormahan ang chief security ng condo na siya namang nag-ulat sa Malate Police Station.
Dahil dito, iniutos ni Tangdol na ikordon ang lugar saka ipinagbigay alam sa Homicide Section.
Agad namang nagtungo si Det. John Paul Rojo na siyang may hawak ng kaso at rumesponde sa lugar at nireport sa MPD Homicide chief na si P/Lt. Dennis Turla.
Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya na dayo lamang sa lugar ang biktima, kaya isasailalim ito sa awtopsiya sa Cruz Funeral Morgue at iniimbestigahan kung may “foul play” sa insidente.