Default Thumbnail

Mayor Honey pinalikas mga nakatira sa baybayin ng Baseco

October 29, 2022 Edd Reyes 234 views

INIUTOS na ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang pansamantalang paglilikas ng mga pamilya sa Baseco Compound sa Tondo bunga ng pananalasa ng bagyong “Paeng” Sabado ng umaga.

Ayon kay Manila Public Information Office (PIO) Chief Atty. Princess Abante, inatasan na ng alkalde ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na mangasiwa sa pag-aasikaso sa mga ililikas na pamilyang naninirahan sa baybaying dagat ng Baseco at mga nakatira sa mga barong-barong patungo sa Baseco Evacuation Site.

Isinasagawa pa ang pagrerehistro sa mga pangalan ng mga indibidwal na inilikas sa evacuation site para alamin kung ilang food packs ang kinakailangang ibahagi sa kanila hangga’t hindi sila nakakabalik sa kani-kanilang tahanan bagama’t hanggang isinusulat ang balitang ito ay mayroong 19 na pamilya o katumbas ng 58 indibidwal na ang nakarehistrong inilikas.

Noong Biyernes ng hapon, inilagay ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Metro Manila sa Tropical Cycle Wind Signal No. 2 bunga ng paglakas ng bagyong Paeng.

Bunga nito, kaagad na iniutos ni Mayor Lacuna-Pangan ang pagsasarang pansamantala sa Manila North at South Cemeteries matapos ang ginawa niyang pakikipagpulong sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.

Sinabi ni Atty. Abante na hanggang araw ng Sabado ay sarado pa rin sa publiko ang dalawang malaking pampublikong Kampo-Santo sa Lungsod ng Maynila.

Bukod dito, ini-anunsiyo rin ng alkalde Sabado ng madaling araw ang pagsususpinde sa lahat ng antas ng klase sa Maynila, pribado man o pampubliko, maging ang face-to-face at online classes hanggang patuloy na nasa Signal No. 2 ang lungsod.

AUTHOR PROFILE