Lacuna Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at MPD Director Andre P. Dizon (pangalawa mula kaliwa) ang send-off ceremony at inspeksyon na dinaluhan ng mga representante ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na ginanap sa Luneta sa Maynila, Huwebes ng hapon. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey nanguna sa ‘send-off’ ceremony

January 6, 2023 Edd Reyes 613 views

5K pulis para sa seguridad ng Pista ng Quiapo

PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang paghahatid sa mahigit 5,000 kagawad ng kapulisan na itinalaga sa pagbabantay at pagkakaloob ng seguridad sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno, Huwebes ng hapon sa Open-Air Auditorium sa Rizal Park, Ermita, Manila.

Sa kanyang pambungad na pananalita, kaagad na pinasalamatan ng alkalde ang Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni District Director Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon sa pagsusumikap na maihatid ang mandato sa pagkakaloob ng kaayusan at katahimikan kasabay pagbanggit na sa loob ng anim na buwan niyang panunungkulan bilang Punong Lungsod, kahit minsan ay hindi aniya siya “binigo ng kapulisan.”

“Ngayong hapon, ay itatalaga naman kayo sa isang mahalagang misyon. Nakasalalay sa inyo ang isang mapayapa, maayos at ligtas na pagdiriwang ng kapistahan ng tunay na Hari, ang Senor Nuestro Padre Jesus Nazareno,” pahayag ng alkalde.

May kabuuang 5,550 na tauhan mula sa MPD, Armed Forces of the Philippines (AFP) Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Quezon City Police District (QCPD) ang itatalaga sa Quiapo Church, Quirino Grandstand at pagsasagawa ng police checkpoint habang 175 pang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) ang tutulong din bilang mga support units.

“Alam naman siguro ninyong lahat kung gaano katindi o kasidhi ang debosyon ng ating mga katolikong Pilipino sa Mahal na Poong Itim na Nazareno. At upang maging ganap na maayos ang ilang araw na pagdiriwang na sisimulan bukas ng gabi, (Biyernes ng gabi, Enero 6) hanggang Lunes ng gabi ay kakailanganin natin ang pag-alalay at masusing pagbabantay,” pahayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan sa libo-libong kapulisan na dumalo sa seremonya.

Hiniling din ng alkalde sa kapulisan na huwag kalimutang ipaalala at himukin ang mga deboto na sumunod sa umiiral na panuntunan kaugnay sa minimum health protocol kabilang na rito ang pagsusuot ng facemasks, wastong paghuhugas ng kamay o paggamit ng hand sanitizer at kung kinakailangan ay ang pagpapanatili sa social o physical distancing.

Hinimok din niya ang MPD na lawakan ang kanilang pang-unawa at pasensiya at tiyaking masusunod ang “maximum tolerance” tulad ng kanilang mga ginagawa sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa mga malakihang pagtitipong nagaganap sa lungsod.

“Pakahabaan po ninyo ang inyong pang-unawa at ang inyong pagpapasensiya. Malaki ang maibabahagi ninyo sa ikatatagumpay ng tinaguriang Nazareno 2023,” sabi pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Bukod sa nasabing seremonya ay nagkaroon ng “ocular inspection” ang alkalde, MPD director, at mga kawani mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na katuwang sa paghahanda sa Pista ng Itim na Nazareno.

Ito ay upang tiyaking maging maayos, payapa, at maisagawa ang pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.

Kabilang ang mga daraanan ng “Walk of Faith,” ay magmumula sa Luneta sa Quirino Grandstand patungong Simbahan ng Quiapo.

Una ng nagsagawa ng “dry run” sa nasabing ruta sa pag-iinspeksyon ni MPD chief Dizon, kasama si Mayor Lacuna-Pangan.

Pansamantalang isasara ang lansangan mula sa Independence Road ng South Drive at ang maaaring daanan muna ay ang Katigbak Drive.

Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines, ng Public Information Office ng MPD, na sisikapin ng mga itatalagang miyembro ng mga kapulisan at mga ahensiya ng gobyerno sa bawat kalye na pagdarausan ng tinaguriang “Walk of Faith” na siya naman ipinalit sa “Traslacion” para panatilihin ang kaayusan at seguridad. Nina EDD REYES AT JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE