Dizon COURTESY RESIGNATION – Ipinakita ni Manila Police District Chief PBGen. Andre P. Dizon ang kaniyang isusumiteng courtesy resignation, bilang tugon sa panawagan at hamon ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr. sa lahat ng kapulisan na may rangong colonel at general na maghain ng kanilang courtesy resignation.

MPD chief maghahain ng courtesy resignation

January 6, 2023 Jonjon Reyes 226 views

KABILANG si “the game changer” Police Brigadier General Andre P. Dizon, director ng Manila Police District (MPD), sa magsusumite ng courtesy resignation alinsunod sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Katulad ng mga kasamahan ni Dizon, maghahain na rin ito ng courtesy resignation sa tanggapan ni Abalos, bilang pagsunod sa panawagan ng kalihim ng DILG.

Ayon kay Dizon, ito ay napagkasunduan ng mga kapuwa nito heneral at mga colonel sa ginanap na command conference sa Philippine National Police (PNP) National Headquarters sa Camp Crame Miyerkules ng hapon.

Suportado umano nila ang layunin na masala ang kanilang hanay at matukoy talaga kung sino ang mga sangkot o protektor ng iligal na droga sa PNP.

Sinabi pa nito na posibleng may mga intelligence report nang nakarating sa tanggapan ng DILG ukol sa pagkakasangkot ng ilan nilang kasamahan na opisyal kaya itinulak ng kalihim ang boluntaryo nilang pagbibitiw.

Habang nakahain naman umano ang kanilang resignation, maaari pa rin nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin hanggat hindi natatapos ang proseso sa kanilang mga inihaing resignation.

Gayunman, hindi rin itinanggi ni Dizon na bahagyang nagkaroon ng “low morale” sa kanila sa pangyayari.

“Iyong organization ng PNP at ang pamilya kasi ang apektado dito ‘eh,” dagdag na pahayag ni Dizon.

Umaasa naman sila na magiging patas umano ang magiging assessment sa kanila ng bubuuing komite na sasala sa kani-kanilang tungkulin.

AUTHOR PROFILE