Lacuna Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isang command conference katuwang ang mga commander ng mga police station at community precinct sa ilalim ni Manila Police District (MPD) Director Gen. Andre P. Dizon. Inutos ng alkalde ang pagpaigting ng presensiya ng kapulisan sa buong lungsod para sa kapayapaan at kaayusan ng kanilang nasasakupan. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey nanguna sa MPD Command Conference

August 20, 2022 Edd Reyes 275 views

INATASAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang lahat ng commander ng Police Community Precinct (PCP) sa Lungsod ng Maynila na ipatupad ang “police visibility” sa pagbubukas ng klase sa araw ng Lunes, Agosto 22.

Ipinaliwanag ng alkalde ang kahalagahan ng mga nakikitang pulis sa lansangan, partikular sa mga lugar kung saan madalas mabiktima ng krimen ang mga estudyante, nang pangunahan ang ginanap na command conference ng lahat ng mga PCP Commanders ng Manila Police District (MPD) sa Bulwagang Antonio Villegas sa gusali ng Manila City Hall, araw ng Biyernes.

Inatasan ni Mayor Honey ang mga Police Commanders na bigyang prayoridad ang pagtatalaga ng mga nagrorondang pulis sa mga lugar na malapit sa mga pamantasan at campuses kung saan may nagaganap ng klase sa gabi bunga ng rin ng dumaraming ulat ng panghoholdap at pagnanakaw.

Nagbigay din ng direktiba ang alkalde sa mga opisyal ng MPD na maglagay ng isang Police Assistance Desk sa bawat pampublikong paaralan sa buong lungsod.

Inihayag din niya ang kahalagahan ng patuloy na implementasyon ng mga umiiral na health and safety protocols, pati na rin ang pagpapanatili ng curfew sa mga menor-de-edad.

Nauna nang ini-anunsiyo ng Department of Education (DepEd) ang pagsisimula ng pagbubukas ng “face-to-face” classes para sa taong 2022-2023 na itinakda sa Lunes, Agosto 22, batay sa umiiral na batas at mga panuntunan.

AUTHOR PROFILE