Default Thumbnail

Mayor Honey, nagpasalamat sa mapayapang pagdaraos ng Pista ng Poong Itim na Nazareno

January 10, 2023 Edd Reyes 620 views

NAGPAHAYAG ng taos-pusong pasasalamat si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa bawat departamento, tanggapan, at kawanihan ng lokal na pamahalaan na naging bahagi ng matagumpay, maayos at mapayapang pagdiriwang ng kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Sa kanyang pagsasalita sa regular na pagpupugay sa watawat na ginanap, Martes ng umaga, sa Kartilya ng Katipunan, pinasalamatan ng alkalde ang mga opisyal at kawani ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Engineering, Department of Public Service (DPS), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Health Department (MHD), Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), Manila Public Information Office, (MPIO) City Legal Office, the Office of the Mayor, at si Manila Police District (MPD) Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon at kanyang mga tauhan na gumawa ng lahat ng kanilang makakaya upang matiyak na maging maayos at mapayapa ang halos isang linggong pagdiriwang ng kapistahan.

“Maraming-maraming salamat sa ating mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) at ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), salamat din po sa lahat ng national agency na tinulungan po ang ating lungsod. Tunay na naging maayos ang pagpaplano at naisakatuparan ang maagang paglalatag ng mga mahalagang guidelines kaya’t naging matagumpay ang ating gawain,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Binanggit din ng alkalde sa kanyang pasasalamat ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo sa pamumuno ng kanilang Rector at Parish Priest na si Rev. Father Rufino Sescon, Jr. at ang lahat ng mga kasamang kaparian, gayundin ang lahat ng bumubuo ng Hijos del Nazareno at ang libo-libong mga deboto ng Mahal na Poong Itim na Nazareno.

“Lahat ng ito siyempre ay dahil sa pagpapala ng ating Panginoon, Muli maraming salamat at magandang umaga,” pagwawakas pa ng alkalde sa kanyang pananalita.

Sa kanya namang panig, pinapurihan ni MPD Chief Dizon ang mahusay na pagganap ng kapulisan, maging ang mga force multipliers miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at karagdagang pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) sa kanilang naging papel sa pagtiyak na maging mapayapa at maayos ang halos isang linggong pagdiriwang ng kapistahan.

“Unang-una, wala pa po tayong naitalang untoward incidents sa paligid ng Quirino (Grandstand) at Quiapo Church pati na po doon sa dinaanan ng Walk of Faith. Yung nabalita po na may nagtangkang agawin ‘yung imahe, yun po ay after ng major mass noong Linggo, may mga kabataang mga sabik mahawakan. Akala nila wala nang bantay doon sa harap at gusto nilang mag shortcut doon. Hindi nila napagtagumpayan po iyon dahil nandoon ang security forces natin,” pahayag ni Dizon sa isang panayam sa isang programa sa radyo.

AUTHOR PROFILE